ATOK, Benguet – Mamumulaklak na sa Pilipinas ang pambansang bulaklak ng Japan, o ang Cherry Blossoms ng Sakura Tree, na unang itinanim sa mataas na bahagi ng Barangay Paoay, na tinawag na Benguet-Kochi Sisterhood Park, kaugnay ng ika-40 anibersaryo ng mabuting ugnayan ng dalawang lalawigan.
“After three years ay inaasahang magiging tourist spot ang lugar na ito, na siyang inaasahang paglaki at pamumulaklak ng Sakura, na ipinamamalaking cherry blossoms sa bansang Japan,” pahayag ni Benguet Governor Nestor Fongwan.
Ang Cherry Blossoms ay may dalawang kulay: puti at pink. Sa unang pagtatanim ay tatlong taon bago mamulaklak ang puno, at sa loob lamang ng isang linggo ay matutunghayan na ang bulaklak nito, ngunit tuwing Abril ay makikitang muli ang pag-usbong ng naggagandahang bulaklak.
Nasa 34 na Sakura tree ang itinanim ng mga opisyal ng lalawigan at mga delegado ng Kochi Prefecture sa may 1,000 square meters na lupain na pag-aari ng Haight Family, na magsisilbing parke at tourist destination sa Atok.
Ang Bgy. Paoay ay may 2,300 feet above sea level at ang may pinakamalawak na vegetables plantation sa Atok.
Ayon kay Hirofumi Yoshikawa, presidente ng Kochi-Benguet Sisterhood Development Group, tanging ang Bgy. Paoay sa Benguet ang may pinakamagandang elevation na puwedeng taniman ng Sakura tree.
Sinabi ni Yoshikawa na inisyal lamang ang 34 na Sakura tree na pawang pink, dahil sa mga susunod na buwan ay dadagdagan pa nila ito ng puting Sakura tree. (Rizaldy Comanda)