Target ng Radio Active na makubra ang ikalawang korona para sa Triple Crown ng Philippine Racing Commission’ (PRC) series sa Sabado, sa Metro Manila Turf Club Inc. sa Malvar, Batangas.

Nangibabaw ang Radio Active sa unang leg ng serye sa impresibong ratsada sa torneo para sa mga pangarerang may edad tatlo at may nakalaang P1.8 milyon premyo para sa may-ari. Nakalaan din ang P100,000 bilang breeder’s purse. Nagmula ang Radio Active sa lahi nina Lim Expensive Toys (sire) at Lacquaria (dam).

Puntirya ng Radio Active, nasa pangangasiwa ni Nestor Manalang, na pantayan ang tagumpay ng Kid Molave na tinanghal na Triple Crown champion noong 2014.

Sa nakalipas na taon, naghati-hati sa premyo ang Superv, Court of Honor at Miss Brulay.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Mapapalaban ang Radio Active sa matitikas na karibal na Dewey Boulevard ni Hermie Esguerra, Guatemala ni Felizardo Sevilla Jr., He He He ni Ferdinand Eusebio, Indianpana ng Deemark International Trading, Spectrum ni Narcico Morales, Subterranean River Filly ni Wilbert Tan, at couple entry ng Stony Road na Underwood at Space Needle.

May kabuuang P3 milyon ang premyo para sa karera na may distansiyang 1,800 metro.

Ang three-leg series ay inihalintulad sa Triple Crown sa USA na binubuo ng Kentucky Derby, Preakness Stakes, at Belmont Stakes.

“Historically, the Triple Crown is one of the most-attended racing events in the country and Saturday’s edition will be no different,” pahayag ni Philracom Chairman Andrew A. Sanchez.

“It will be another day of excitement at the racetrack.”

Mapapanood din ang aksiyon sa Philracom Hopeful Stakes Race na may premyong P1 milyon, at ang Philracom 3YO Locally Bred Stakes Race na may premyong P500,000.

Tampok ang mga kabayong Homonhon Island, Mount Igli, Pinagtipunan, Pinay Pharaoh, Secret Kingdom, Striking Colors at Tagapagmana sa Hopeful Stakes, habang liyamado sa Locally Bred Stakes ang Garlimax, Pangarap, Play it Safe, at Real Flames.