Cavaliers, asam makatabla sa Warriors sa Game Four; Curry ‘magic’ inaasahan.
CLEVELAND — Kung nais ng Cavaliers na maitabla ang serye, kailangan nilang manalangin: Muling kalawangin ang opensa ni Stephen Curry.
Wala sa ayos at sigasig ang laro ng itinanghal na kauna-unahang player na “unanimous” MVP at kung mananatili ang matamlay na opensa ni Curry, malaki ang tsansa ng Cleveland na magbalik sa Oracle Arena, kipkip ang bagong kumpiyansa.
Nakatakda ang Game Four ng NBA Finals ngayon (Biyernes sa Cleveland) kung saan nakatuon ang pansin ng lahat sa kalidad ng laro ng nangungunang three-point shooter sa liga na itinuturing puso ng Golden State Warriors.
Naidikit ng Cavaliers ang serye sa 2-1 matapos pulbusin ang Warriors sa Game Three kung saan nalimitahan ang foul-troubled na si Curry sa 19 na puntos at nagtamo ng pitong turnover.
Wala rin sa kalingkingan ng impresibong 30 puntos kada laro sa regular season ang markang naisumite ni Curry sa unang dalawang laro ng serye, subalit nagawang magwagi ng defending champion dahil sa gilas ng bench.
Kung mananatiling hilahod ang opensa ni Curry, lumiliit ang tsansa ng Warriors na maitala ang back-to-back championship.
“We can definitely help Steph out and we will,” paninindigan ni Warriors coach Steve Kerr.
“We can put him in better position. ... The coaching staff has to figure out the best lineups and the best looks.
Players have to perform. It’s on all of us to be better,” aniya.
Sa kabila ng tinamong pinsala sa paa at tuhod sa kaagahan ng playoff, isinantabi ng coaching staff ang aspeto na may iniindang injury ang premyadong point guard na siyang dahilan sa pagbaba ng antas ng laro nito.
Subalit nakababahala ang ikinikilos ni Curry. Nagmimintis siya sa mga madadaling tira sa Game One at nalagay sa foul trouble sa Game Two dahil sa kawalan ng tikas sa depensa. Nakaalpas siya sa foul trouble sa Game Three, subalit mababa ang kontribusyon niya sa opensa.
“Last night was a struggle,” pag-amin ni Curry. “Just, again, foul trouble and kind of dealing with that, but also not being as aggressive as I needed to be. I don’t know what the reason was for that, and it won’t be that in Game 4.”
Mistulang nalutas ng Cavaliers ang “puzzled” sa sistema ng Warriors at ni Curry. Sa Game Four, inaasahang mananatili ang depensa ng Cavs na nagpabagal sa galaw ng Warriors.
“All we have to do is take stock,” sambit ni Kerr.
“We’re up 2-1. We’re in pretty good shape. We haven’t played that well. Let’s play better.”
Kinatigan ni Curry ang pananaw ni Kerr.
“I like our chances,” aniya. “Of being able to figure it out.”