ISANG bagong pangalan ang lumutang sa mga ulat ng militar kaugnay ng paglalaban sa Mindanao—ang Maute Group.
Iniulat kamakailan ng Western Mindanao Command ng Armed Forces of the Philippines na 54 na militante na tinukoy na mga kasapi ng Maute Group ang napatay sa pinagsanib na opensiba ng militar at pulisya sa Lanao del Sur.
Sa nakalipas na maraming taon, ang pangunahing grupong Moro na nakikipaglaban sa puwersa ng gobyerno sa Mindanao ay ang Moro National Liberation Front (MNLF), na tumiwalag mula sa Muslim Independence Movement. Nang magkaroon ng kasunduan ang MNLF sa gobyerno noong 1996, at pinangunahan ang pamunuan ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM), isang tumiwalag na grupo ang nagtatag naman sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ito ang grupo na nakipagnegosasyon sa administrasyong Aquino sa loob ng maraming taon hanggang magkasundo sila noong nakaraang taon na magtatag ng Bangsamoro Autonomous Region na papalit sa ARMM. Walang bahagi ang MNLF sa programang Bangsamoro kaya naman naging problema pa ito. Isa pang grupo—ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF)—ang tumiwalag naman sa MILF. May iba pang mga grupo na nakikipaglaban, gaya ng Abu Sayyaf, na nakilala naman sa pagdukot at pambibihag ng mga sibilyan.
Noong nakaraang linggo, nabatid ng media ang tungkol sa bagong Maute Group, na sinasabing may kaugnayan sa Jemaah Islamiyah ng Timog-Silangang Asya. Ito ang mga dating gerilya ng MILF, kasama ang ilang dayuhang mandirigma, na pinangungunahan ni Abdullah Maute, umano’y nagtatag ng estadong Islam sa Lanao del Sur na tinatawag na Dawlah Islamiya. Napaulat na tinatangka ng Maute Group na iugnay ang grupo sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) at madalas makitang bitbit ang itim na bandila ng ISIS.
Determinado si incoming President Rodrigo Duterte, outgoing mayor ng Davao City, na maghatid ng kapayapaan sa rehiyon ng Mindanao bilang unang hakbang sa pagpapaunlad sa ekonomiya nito para makapantay ng sa buong bansa. Nagawa rin niyang makipag-ugnayan sa rebeldeng grupo ng mga Komunista, ang New People’s Army.
Maaaring magdulot ng ibang problema ang grupong Moro. Una, napakarami ng grupo na hindi tapat sa anuman, kaya naman matapos magapi ng gobyerno ang isang grupong rebelde ay susulpot naman ang isa pa.
Sa napakaraming suliraning kahaharapin ng administrasyong Duterte, ang kapayapaan sa Mindanao na marahil ang pinakamahirap, ngunit nagdeklara na ang bagong pangulo ng determinasyong isulong ang Mindanao bilang ang “land of promise” na matagal nang pagkakakilala rito. Pasan niya ang pag-asa ng buong bansa sa kanyang mga balikat.