Napaulat na dinagdagan pa ng mga sentensiyadong drug lord ang bounty laban sa incoming Philippine National Police (PNP) Chief at kay President-elect Rodrigo Duterte matapos mabigong kumuha ng gagawa sa pagpatay umano sa dalawa.
Mula sa P10 milyon, sinabi ni incoming PNP chief, Chief Supt. Ronald “Bato” dela Rosa na itinaas na sa P50 milyon ang bounty para sa bawat isa sa kanila ni Duterte.
Sinabi ni Dela Rosa na ang pagdadagdag ng pabuya laban sa kanila ang tinalakay sa umano’y ikalawang pulong ng mga drug lord na nakapiit sa National Bilibid Prisons (NBP).
“Ang hindi nila alam, isa sa mga kasama nila sa meeting ang nagdetalye mismo sa akin,” ani Dela Rosa.
Aniya, may sarili siyang listahan ng mga drug lord sa iba’t ibang panig ng bansa ngunit hindi niya papangalanan ang mga ito.
Ngunit sinabi ng susunod na PNP chief na tututukan niya ang mga sentensiyadong drug lord na, ayon sa kanya, ay maginhawang nagsasagawa ng operasyon kahit nasa Bilibid.
“Marami sila dun sa NBP. Ine-enjoy niya ang proteksiyon sa loob. Safe sila dahil guwardiyado sila ng mga prison guard, so, paano sila maaaresto ng mga pulis?” sabi ni Dela Rosa.
Ang hindi matanggap ni Dela Rosa ay ang katotohanang malalaya pa ring nagagawa ng mga convicted drug lord ang mga ilegal nilang transaksiyon sa ilegal na droga kahit nakapiit na sa NBP.
Ito, aniya, ang makapagpapatunay na totoong talamak ang kurapsiyon sa loob ng NBP.
Nang tanungin kung ano ang gagawin niya sa mga drug lord na nasa loob ng NBP, sinabi ni Dela Rosa: “They should be taken out of the NBP horizontally.”
Gayunman, aminado si Dela Rosa na mas mapapadali ang laban kontra sa ilegal na droga kung makikipagtulungan sa pulisya ang mamamayan at ang iba’t ibang grupo. (AARON B. RECUENCO)