Inaalam ng Makati City Police kung aksidenteng nahulog, nagpakamatay o sinadyang pinatay ang isang lalaki na natagpuan ang bangkay na palutang-lutang sa Pasig River, kahapon ng madaling araw.

Inilarawan ng awtoridad ang hindi pa kilalang biktima na nasa edad 30-40, may taas na 5’5” hanggang 5’8”, balingkinitan, makapal ang buhok, at nakasuot ng pulang polo shirt at maong na short pants.

Sa inisyal na pagsisiyasat ni SPO2 Nilo Sadsad, dakong 3:00 ng umaga nang madiskubre ang palutang-lutang na bangkay sa Pasig River, sa sakop ng J.P. Rizal Extension, Barangay Cembo.

Sinabi ni Makati Public Safety Department (MAPSA) officer Amado Salvacion na nakita pa niyang kumakawag-kawag sa ilog ang lalaki at wala siyang narinig na humingi ito ng tulong.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa akalang buhay pa ang biktima, sinabi ni Salvacion na tumawag siya sa Rescue Team ngunit sa kasamaang-palad ay hindi na inabutang buhay ang lalaki.

Lumitaw na nagtamo ng maliit na sugat sa noo at pisngi ang biktima.

Hinala ng awtoridad na posibleng nagpatiwakal ang lalaki sa pagpapatihulog sa ilog. (Bella Gamotea)