TALACOGON, Agusan del Sur – Nasa 200 pamilya o mahigit 800 katao na nabibilang sa tribung Talaindig ang nagsilikas mula sa kani-kanilang tahanan at bukirin sa kabundukan kasunod ng pagpatay sa dalawa nilang pinuno sa Kilometer 55, Barangay Zillovia sa Talacogon, Agusan del Sur.
Ang daan-daang lumad ay pansamantalang tumutuloy sa isang gymnasium sa Talacogon at inaayudahan ng pamahalaang bayan, ayon sa municipal administrator na si Atty. Ferdausi Cerna.
Aniya, nagpupulong na ang mga miyembro ng Municipal Peace and Order Council (MPOC) at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) upang solusyunan ang problema ng lumad evacuees at ng komunidad ng mga ito sa kabundukan.
Bukod sa pagkain, pangunahing problema rin ang kondisyong pangkalusugan ng mga bata, ayon kay Cerna.
Dagdag niya, inaalam pa ng MPOC ang dahilan ng paglikas ng tribu at ang tunay na motibo sa pagpatay sa mga pinuno ng mga ito, gayundin ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Nabatid na nagsilikas ang mga lumad kasunod ng pagpatay kina Erning Alaki, nasa hustong gulang; at Ricky Bucalas, kapwa residente ng Kilometer 55.
Ang bangkay ni Alaki ay natagpuan sa Tumalog Creek, sa Sitio Tumalog, Bgy. Zillovia nitong Hunyo 4, habang Hunyo 5 naman nadiskubre ang bangkay ni Bucalas sa Sitio Tumalog din. Ang dalawa ay kapwa opisyal ng tribung Talaandig.
Samantala, kinumpirma ni Agusan del Sur Police Provincial Office (PPO) Director Joseph D. Plaza ang pagpaslang kina Alaki at Bucalas, at inatasan ang Talacogon Municipal Police na magsagawa ng masusing imbestigasyon para matukoy ang motibo sa krimen at mapanagot ang mga suspek, na hindi pa natutukoy hanggang sa sinusulat ang balitang ito.
Abril ngayong taon nang mapatay ang Talaandig tribal leader na si Datu Lalinan Mansolbadan sa Barangay Binicalan, San Luis, Agusan del Sur, ng hindi pa nakikilalang armadong grupo. (MIKE U. CRISMUNDO)