Bibigyan ng pagkakataon ang mga senior citizen na makibahagi sa isinusulong na programa ng Philippine Sports Commission sa gaganaping nationwide simultaneous Walk-A-Mile sa Hunyo 10.
Sinabi ni PSC Chairman Richie Garcia na ang aktibidad ay bilang pagbibigay pagpapahalaga sa mga senior citizens sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan (Hunyo 12).
“Our senior citizens are the most neglected community in sports that is why we had been trying to create a program exclusively for them and include them in our projects like the Laro’t-Saya sa Parke na puwede sila maki-join sa mga hindi strenuous na itinuturong sports,” pahayag ni Garcia.
Sabay-sabay naman isasagawa ang aktibidad kung saan lalakarin ng mga lalahok ang layong isang milya o 1.6km na distansiya sa ganap na 6:30 ng umaga sa Cebu City, Davao City, Silay City, Vigan City, Iloilo City, Naga City at sa Manila.
May kabuuang 600 ang nagparehistro sa Cebu, 1,000 sa Davao, 1,000 sa Silay, 400 sa Vigan, 1,000 sa Iloilo, 1,000 sa Naga City, at 600 sa Manila. (Angie Oredo)