WALA ba kayong napapansin?

Ilang linggo na ang nakararaan simula nang manalo sa bilangan sa boto si incoming President Rodrigo Duterte ay wala pang insidente ng pagtirik ang Metro Rail Transit (MRT) o Light Rail Transit (LRT)?

Hindi ba kayo naninibago? O nagugulat?

Kung hindi ako nagkakamali, ilang araw matapos maging klaro na si Mayor Digong na ang susunod na lider ng bansa, nailathala sa mga pahayagan na pinulong ng mga tauhan ng alkalde ang pamunuan ng dalawang mass transport system.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Bagamat manipis ang detalye sa naturang pulong, hindi malayo na ang pinagpulungan ng mga tauhan ni Duterte at pangasiwaan ng MRT at LRT ay gawing matino at maayos ang serbisyo ng dalawang train system dahil bago ang halalan ay halos sunud-sunod at araw-araw ang pagtirik ng mga tren nito.

Kamakailan lang, lumabas din sa mga dyaryo na nangako ang pamunuan ng MRT na isasailalim sa rehabilitasyon ang mga sirang escalator at elevator nito na halos ilang taon na ang binilang at hindi pa rin gumagana.

Hindi kaduda-duda na binigyan ng ultimatum ng susunod na administrasyon ang management ng LRT at MRT upang magpakatino ang mga ito.

Laki rin sa hirap si Digong, at hindi tulad ng ibang naging pinuno ng bansa, mas dama ng susunod na Pangulo ng bansa ang hirap na dinaranas ng mga pasahero sa tuwing may aberya ang kanilang transportasyon.

Nang aking unang nakapanayam si Mayor Digong sa isang ride and drive event ng Isuzu sa Davao City mahigit isang dekada na ang nakararaan, ikinuwento niya kung paano siya nanghihiram ng sasakyan sa mga kaibigan upang makadalo lamang sa vista ng kanyang mga kliyente noong siya ay aktibo pa bilang abogado.

Hindi maiaalis ang paniniwala na binigyan na ng babala ng mga tauhan ni Duterte ang pangasiwaan ng MRT o LRT dahil himalang halos walang aberya ang naiulat nitong mga nakaraang linggo.

Kaya sa MRT at LRT management, ‘wag kayong patulug-tulog sa pansitan.

‘Wag n’yo nang hintayin na sa inyo iharap ni Mayor Digong ang kanyon at siguradong ipuputok na ito sa inyo.

‘Wag n’yo nang hintayin siyang magmura, dahil siguradong hindi lang pagpapatalsik sa puwesto ang aabutin n’yo.

Malaki ang posibilidad na kasuhan din kayo.

‘Wag n’yo nang hintayin “mapuno ang salop”, ‘ika nga.

Sana’y tuluy-tuloy na ang maayos na serbisyo ng mass transport system upang maibsan ang matinding traffic na nararanasan sa Metro Manila. (ARIS R. ILAGAN)