LOUISVILLE, Kentucky (AP) – Mahirap paniwalaan na maaagawan ng puwesto sa isang pagtitipon ang isang hari at pangulo ng bansa.

Ngunit, sa memorial service ng namayapang si Muhammad Ali, pinatunayan na walang espesyal at pantay-pantay ang pagtingin sa bawat isa.

Sa hindi inaasahang pagbabago sa programa para sa libing ng tinaguriang “The Greatest”, inalis sa listahan ng mga magsasalita sina Turkish President Recep Tayyip Erdogan at King Abdullah II ng Jordan.

Ayon kay Bob Gunnell, tagapagsalita ng pamilya ni Ali, may dalawang naidagdag na magsasalita at para mapaigsi ang programa ay nagdesisyon sila na huwag nang isama sa eulogy ang dalawang mataas na opisyal.

Filipino Olympian Hergie Bacyadan wagi kontra Chinese kickboxer; sinungkit gintong medalya

Kaagad namang sinabihan ni Gunnell ang mga kinatawan ng naturang opisyal na maayos namang tinanggap ang naging desisyon ng pamilya.

Hindi naman pinangalanan ni Gunnel ang dalawang bagong speaker.

Pangungunahan ni California imam at scholar Zaid Shakir ang pagbibigay parangal sa dating three-time world heavyweight champion sa KFC Yum! Center sa Louisville.

Magbibigay din ng kani-kanilang patotoo at pagkilala ang mga kinatawan mula sa Islam, Judaism, Christianity, Buddhism, Mormonism at Catholicism. Maglalaan din ng pagpapasalamat ang maybahay ni Ali na si Lonnie Ali, anak na si Maryum Ali, actor Billy Crystal at sportscaster Bryant Gumbel.

Ang dating pangulo na si Bill Clinton, malapit na kaibigan ni Ali, ang tampok na tagapagsalita.

Inanyayahan din ang Dalai Lama, ngunit tumaggi ito dahil sa naunang imbitasyon na napangakuan na.

Pumanaw ang ipinapalagay na pinakabantog na atleta sa mundo nitong Biyernes sa Arizona matapos maospital sanhi ng komplikasyon sa sakit na Parkinson’s. Siya ay 74.

Kabilang naman ang actor na si Will Smith, gumanap na Ali sa pelikula ng buhay na kampeon, gayundin ang dating world heavyweight champion na si Lennox Lewis walong magbubuhat sa ataul na naglalaman ng mga labi ni Ali.

Magsisimula ang memorial service ganap na 2:00 ng hapon sa Biyernes (Sabado sa Manila).

Ipinahayag naman ng maybahay ni Ali na hindi hinabilin ng kampeon na ipagkaloob ang kanyang utak para pag-aralan hinggil sa karamdaman ng Parkinson’s.

“Not really,” pahayag ni Dr. Abe Lieberman, ang personal na doktor ni Ali.