MAGDARAOS ang World Health Organization (WHO) ng emergency meeting anumang araw ngayon upang muling pag-aralan ang mga panganib sa pampublikong kalusugan ng pagsasagawa ng Summer Olympics sa Agosto sa Rio de Janeiro, Brazil.
Nito lamang Mayo, inihayag ng WHO na wala itong nakikitang dahilan upang ipagpaliban ang Rio Olympics o idaos ito sa ibang lugar. Nagpalabas lamang ito ng advisory sa mga makikibahagi sa Games gayundin sa mga panauhin, isang listahan ng mga partikular na instruksiyon ng mga dapat gawin upang protektahan ang sarili laban sa Zika virus. Kabilang sa mga tinukoy na pag-iingat: Manatili sa mga silid na air-conditioned at walang bintana at iwasang magtungo sa mga komunidad na maaaring mayroong mga lamok na nagdudulot ng Zika.
Ito ay noong nakaraang buwan pa. Sa unang bahagi ng buwang ito, ang unang sanggol na may taglay na Zika virus ay isinilang sa continental United States. Isang babaeng Honduran ang bumisita sa kanyang mga kaanak sa New Jersey, at doon siya nagsilang ng isang sanggol na babae na may microencephaly—o may maliit na ulo na may maliit na utak.
Nakuha niya ang Zika virus sa kanyang bayan, ang Honduras, isa sa maraming bansa sa South at Central America na roon kumalat ang Zika mula sa Brazil.
Sa harap ng bagong pangyayaring ito at bilang tugon sa tumitinding pangamba na iginigiit ng mga makikibahagi sa Olympics, bukod sa inaasahan na lubhang kakaunting bisitang turista sa Games, inihayag nitong Hunyo 1 ni WHO Director General Margaret Chan na hiniling niya sa isang grupo ng mga eksperto na pag-aralan ang usapin. Nagpadala siya ng ilang grupo ng mga siyentista sa Brazil upang kumalap ng pinakamahahalagang datos at suriin ang antas ng panganib sa mga atleta at manonood.
Sakali man na mayroong atleta o bisita na madapuan ng Zika sa pamamagitan ng kagat ng lamok o pakikipagtalik, ang mga bagong biktimang ito ay magsisibalik sa kani-kanilang bansa pagkatapos ng Games. Sila ang maghahatid ng Zika virus sa kani-kanilang bansa na maaaring magbunsod ng epidemya.
Ito ang pinangangambahan ng WHO. Sa loob ng maraming buwan, nanatili ang Zika sa South at Central America. Nasa United States na ito ngayon dahil sa isang inang Honduran. Maaari itong kumalat sa iba pang mga bansa sa mundo sa pamamagitan ng sinuman sa libu-libong atleta at manonood sa Olympic events. Ang kinakailangan lamang para sa panibagong pagkakahawa ay isang kagat ng lamok.