Hindi na tatanggap ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ang Commission on Elections (Comelec) mula sa mga kandidatong tumakbo sa May 9 national and local elections.
Pormal na kasing tinapos ng Comelec ang panahon ng paghahain ng expense report dakong 5:00 ng hapon kahapon, Hunyo 8, araw ng deadline nito.
Bagamat huling araw na ng pagsusumite ng SOCE, naging matumal pa rin ang pagdating ng mga kandidatong naghahain nito hanggang kahapon ng tanghali.
Dakong 2:00 na ng hapon ay si Senator Miriam Defensor-Santiago pa lamang ang nakapaghain ng SOCE sa mga kandidato sa presidential race.
Ayon kay Santiago, nakatanggap siya ng P74.6 milyon sa pangangampanya ngunit ito’y hindi pera at sa halip ay “in-kind contributions” lamang at ang kabuuang halagang ito ay donasyon mula sa kanyang partido.
Samantala, sa vice presidential race naman si Sen. Antonio Trillanes IV ang unang naghain ng SOCE.
Sa kanyang deklarasyon, sinabi ni Trillanes na gumastos siya ng P61.8 milyon sa kampanya, kung saan P61.1 milyon ay kontribusyon mula sa kanyang mga kaibigan habang ang mahigit P700,000 ay galing sa kanyang personal na pondo.
Nagsumite na rin naman ng SOCE si vice presidential candidate at Senator Alan Peter Cayetano at sinabing nakatanggap siya ng P188.9 milyong in kind at in cash contributions, na nagamit rin niyang lahat sa pangangampanya.
(Mary Ann Santiago)