Ilang linggo lamang matapos maiproklama bilang bagong halal na Senador, binili ng boxing legend Manny Pacquiao ang isang Singapore-based mobile gaming company.
Pormal na pinirmahan ni Pacquiao ang kasunduan sa Gtoken, gumagawa ng crowd sourced mobile games, sa kanyang mansiyon sa General Santos City noong nakaraang linggo.
Tumanggi naman ang Gtoken na banggitan kung ano ang ispesipikong detalye ng kanilang kontrata, ayon sa Rappler.
May halaga sa kasalukuyan na $60 milyon (P2.774 bilyon), mayroon na ngayon ang start-up nang mahigit sa isang milyong users sa Southeast Asia, Taiwan, at China, base sa pahayag ng kompanya.
Opisyal na kilala si Pacquiao bilang world’s second highest-paid athlete at nasa likuran siya ng karibal na si Floyd Mayweather Jr. sa Forbes’ 2015 list. Mahigit sa $120 million ang tinanggap ng Pambansang Kamao matapos ang kanilang Fight of the Century noong Mayo 3 sa Las Vegas, Nevada na sumira ng worldwide boxing record revenue.
Nagmumula rin ang bahagi ng kayamanan ni Pacquiao sa iba’t ibang endorsement kagaya ng Nike, Foot Locker, Wonderful Pistachios, Nestle’s Butterfinger, at iba pang produkto sa Pilipinas. Subalit pinutol ng Nike at Wondeful Pistachios ang kanilang ugnayan matapos ang kontrobersiyal na “gay people are worse than animals” sa kasagsagan ng pangangampanya para sa May 9 elections. (Gilbert Espeña)