Naaresto ng mga tracker team ng Regional Intelligence Division (RID)-13 at mga tauhan ng Regional Public Safety Battalion (RPSB)-13 ang isang mataas na opisyal ng New People’s Army (NPA) na may P2 milyon patong sa ulo sa Claver, Surigao del Norte, iniulat kahapon.

Base sa arrest warrant na ipinalabas ni acting Presiding Judge Emmanuel Escatron ng Regional Trial Court Branch 30, 10th Judicial Region sa Surigao City, dinakip si Jonathan Cadaan Peñaflor, na gumagamit ng mga alyas na “Jojo Peñaflor”, “Lurkan”, at “Albert”, sa kaso ng pagpatay noong Disyembre 27, 2013.

Ayon sa report, naaresto si Peñaflor ng mga tauhan ng Police Regional Office (PRO)-13 sa Purok 7 sa Barangay Ladgaran, Claver, dakong 2:00 ng hapon nitong Martes.

Si Peñaflora ang kumander ng tinaguriang Sangay sa Partido Platoon 21C, Guerilla Front Committee 21, NEMRC ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nasamsam ng pulisya mula kay Peñaflor ang isang Combat Commander Colt at Para-Ordnance .45 caliber pistol na may kasamang mga bala.

Nabatid sa pulisya na isang taon ding isinailalim sa surveillance ang suspek at nito lamang nakalipas na linggo nakatanggap ng impormasyon ang pulisya hinggil sa pinagtataguan ng suspek. (Fer Taboy)