HINDI pa man pormal na nakaluklok ang administrasyon ni President-elect Rodrigo R. Duterte, naghatid na ito ng nakasisindak na babala sa mga pasaway, lalo na sa mga walang patumangga sa paghahasik ng karahasan sa mga komunidad.

Ang mga babala kaugnay sa paglipol ng mga kriminal, drug lord, pusher at sa mga sugapa sa droga ay tila mga daga na nagkukumagkag sa pagtatago sa mga lungga.

Pinatutunayan ng mga obserbasyon na ang naturang masasamang elemento ay patuloy na laganap, lalo na tuwing sasapit ang gabi. Dati, kapansin-pansin na gabi-gabing nagkakasiyahan ang mga lasenggo na halos lumupasay na dahil sa kalasingan; maging ang mga bangag sa bawal na gamot ay inaabutan ng sikat ng araw sa mga lansangan. Ngayon ay halos maubos na sila mula sa dating nakagawian.

Sino nga naman ang hindi mangingilabot sa mga pagbabanta ng bagong-halal na Pangulo laban sa pagsugpo ng kriminalidad. Maging ang mismong mga alagad ng batas—mga Heneral at iba pang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) – na sinasabing sangkot sa mga katiwalian ay tutugisin upang panagutin sa kanilang mga kasalanan. At papatayin, kung kinakailangan, partikular na ang mga taong may kaugnayan sa mga drug lord. Walang pangingimi ang babala ng hahaliling administrasyon.

Dapat lamang asahan, kung sabagay, ang ganitong mga babala mula sa hahaliling pangasiwaan. Hindi maikakaila na hanggang ngayon, talamak ang droga sa buong bansa. Sa Metro Manila lamang, nanatili umanong nasa 92 porsiyento ang problema sa ipinagbabawal na droga. Maliwanag na ang mga alagad ng batas, kabilang na ang mismong mga kagawad ng mga barangay, ay inutil sa pagsugpo ng naturang bisyo na kasintanda na ng panahon. Isipin na maraming pulis at iba pang lingkod ng bayan ang hinihinalang protektor o kumakanlong sa mga nakalugmok sa droga. Ibig sabihin, pinagkakakitaan sila ng mga tiwaling alagad ng batas na dapat ay laging nangunguna sa paglikha ng marangal na komunidad at tahimik na pamayanan. Kabaligtaran ang mga nangyayari. Kapani-paniwala ba, halimbawa, na maging ang National Bilibid Prison (NBP) ay nagiging pabrika ng shabu at taguan ng mga kontrabando?

Mahigpit ang mga babala ng hahaliling administrasyon. Subalit ito ang kailangan upang malipol ang mga nakasisindak na problema na nabigong malutas ng papalitang pangasiwaan. (Celo Lagmay)