Binuksan ng Japan ang pintuan nito para sa mga dayuhang kasambahay, inihayag ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Ayon kay POEA Administrator Hans Leo Cacdac, magsisimula ang pagpoproseso ng mga aplikasyon sa Hunyo 19.
Ang aplikante ay kailangan na mayroong isang-taon karanasan sa gawaing-bahay, Level 2 Certification mula sa TESDA-accredited training center, at marunong magsalita ng Niponggo.
Tatawaging housekeeper ang mga aplikante sa halip na domestic helper, paglilinaw ng POEA. Sila ay exempted sa pagbabayad ng placement, language training fee, at pamasahe.
Gayunman, sasagutin ng aplikante ang mga gastusin sa pasaporte, mga clearance, paunang pagsusuring medikal, at bayarin sa PhilHealth at Pag-ibig membership.
Ang matatanggap na housekeeper ay hindi titira sa bahay ng kanilang magiging amo, kundi mangungupahan ng kanilang sariling quarter at sasagutin ang kanilang gastusin sa pagkain.
Paliwanag ni Cacdac, nasa kultura ng mga Hapon na ang kanilang mga bahay ay hindi masyadong malaki. At hindi sila sanay sa pagkakaroon ng taong hindi kilala na titira sa kanilang bahay.
Ang housekeeper ay kailangang magtrabaho ng 40- oras sa isang linggo o walong oras kada araw. Bibigyan sila ng dalawang araw na pahinga.
Susunod ang employer sa minimum wage sa Kanagawa Prefecture. Ang gross pay ay nasa ¥136,203 (P58,565.38) at ang net pay (matapos kaltasin ang pagkain at renta sa bahay) ay nasa ¥59.856 o P25,736.
Magkakaroon ng kontrata na lalagdaan ng recruiter at ng employer upang maprotektahan ang tinanggap na housekeepers.
(MINA NAVARRO)