Personal na pakikiusapan ni Chief Supt. Ronald “Bato” de la Rosa, susunod na hepe ng Philippine National Police (PNP), ang tatlong star-rank official ng PNP na magbitiw na sa puwesto matapos bigyan ng ultimatum ni incoming President Rodrigo Duterte dahil umano sa pagkakasangkot ng mga ito sa ilegal na droga.

Ito ay sa kabila ng pag-amin ni De la Rosa na mahirap para sa kanya ang basta-basta na lamang magpatalsik ng isang pulis dahil mayroong legal na proseso na dapat sundin hinggil sa pagsasailalim sa imbestigasyon at pagsasalang sa summary dismissal proceeding.

“Gagamitin natin ang lahat ng legal na pamamaraan. Subalit papakiusapan ko silang magbitiw na lang sa organisasyon,” pahayag ni De la Rosa.

Aniya, uulitin niya sa tatlo ang banta ni Duterte na hihiyain niya ang mga ito kung hindi pa rin sila magbibitiw sa PNP sa kabila ng kanyang pakiusap.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

“Baka makinig naman sila. Hihilingin ko na magbitiw sila sa halip na mapahiya o masaktan,” dagdag ni De la Rosa.

Sakaling magmatigas pa rin ang tatlong senior police official na sinasabing pasok sa ilegal na droga, tiniyak ni De la Rosa na gagamitin niya ang lahat ng legal na proseso upang sila ay matanggal sa serbisyo upang mapangalagaan ang propesyunalismo at moral sa hanay ng mga pulis.

Kinukonsidera rin ng susunod na PNP chief ang pagsasagawa ng lifestyle check sa mga pinaghihinalaang protektor ng sindikato sa droga upang makakalap ng ebidensiya laban sa kanila.

Nang tanungin kung gaano kalalim ang pagkakasangkot ng tatlong police general, sinabi ni De la Rosa na kumikita ang mga ito ng limpak-limpak na salapi sa pagbibigay- proteksiyon sa mga drug syndicate. (AARON RECUENCO)