Tampok na aksiyon ang duwelo nina dating women's No. 1 player Malvinne Ann Alcala at Jeline Masongsong, gayundin ang laban nina dating national champion Bianca Carlos at Luisa Baldos, sa pagsisimula ngayon ng 2016 FDG Cup Badminton Championship, sa Power Smash Badminton Center sa Makati City.

Maaga ring magkakasubukan sina Cassandra Lim at Andrea Ricacho sa torneo na idinaraos bilang parangal kay Robinsons Land Corp. president Frederick G. Go at sa pangangasiwa ng Philippine Badminton Association.

Nagbabalik si Alcala, matagal na napahinga dahil sa injury at pag-aaral, laban sa mga kasalukuyang matitikas na miyembro ng National Team na kinabibilangan nina defending champion Sarah Barredo, Nicole Albo, Mariya Sevilla, at Arianne Rivera.

Ang apat na nabanggit ay nakakuha ng bye sa opening round ng 32-player women’s Open singles.

Filipino Olympian Hergie Bacyadan wagi kontra Chinese kickboxer; sinungkit gintong medalya

Makakasagupa ng top-seeded na si Barredo ang mananalo sa laban nina Rae Concepcion at Marinel Dalisay, habang makakatapat ng second seed na si Albo ang magwawagi sa labang Feeby Ferrer-Joy Capillo.

Makakatapat ng No. 3 seed na si Sevilla ang makalulusot sa tapatang Maxine delos Santos-Shane Salvador, habang haharapin ng No. 4 na si Rivera ang mangingibabaw sa salpukang Virginia Lopez-Janina Francisco.

Magsisimula ang laro ganap na 9:00 ng umaga na tatampukan din ng mga laro sa men’s Open singles draw, sa pangunguna nina top seed at defending champion Mark Alcala at No. 2 Kevin Cudiamat.

Paglalabanan din sa torneo ang women’s at men’s Open doubles, mixed Open doubles at Invitational division, kung saan kalahok ang mga empleyado at business partner ng RLC kung saan may pitong kategorya na kinabibilangan ng Elite; Class A, B, C, D, E at F.

Magsisilbi namang highlight ng ika-13 taong pagdaraos ng torneo ang laban nina world women’s doubles No. 8 Selena Piek at Eejfe Musagains kontra kina Kennevic Asuncion at Go sa isang exhibition match. (Marivic Awitan)