Inihayag kahapon ng pulisya na napatay nito ang sinasabing pangunahing drug lord at most wanted sa Region 12 makaraang manlaban sa pagsalakay ng awtoridad sa General Santos City, South Cotabato, kahapon.

Kinilala ng Regional Special Investigation and Detection Team (RSIDT)-12 ang suspek na si Conrado Medino, alyas Cocoy, 40, ng Barangay Sinawal, General Santos City.

Ayon sa RSIDT-12, sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Oscar Noel Jr., ng Regional Trial Court 11 Branch 35, pinangunahan ni Supt. Maximo Sebastian ang pagsalakay sa bahay ni Medino.

Nagtamo si Medino ng maraming tama ng bala sa katawan at hindi na umabot nang buhay sa pagamutan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Narekober sa suspek ang isang .45 caliber pistol, isang basyo ng bala ng nasabing baril, dalawang sachet ng shabu, drug paraphernalia at walong motorsiklo.

Sa bahay ng mga magulang ni Medino ay nakasamsam din ng isang maliit na sachet ng asul na mistulang mga Kristal at mahigit P300,000 cash.

Pinasok din ang mismong bahay ni Medino, na napapalibutan ng CCTV camera, at nakumpiska roon ng awtoridad ang ilang electronic device, drug paraphernalia, at limang malalaking sachet ng shabu na may bigat na 260 gramo na aabot sa mahigit P3 milyon.

Napag-alaman na tumatanggap si Medino ng proteksiyon mula sa ilang pulis at kasalukuyan nang inaalam at kinikilala ang awtoridad ang nagsisilbi umanong protector ng suspek.

Hindi naman naabutan ng awtoridad ang dalawa pa sa mga target habang ilang indibiduwal ang hinuli at iniimbestigahan na ng pulisya. (FER TABOY)