Ginapi ng defending champion National University Bullpups ang Chiang kai Shek College Blu Dragons, 78-71, nitong Miyerkules para makausad sa championship round ng 22nd Fr. Martin Cup Summer Basketball Tournament sa St. Placid gymnasium sa San Beda College-Manila campus.

Hataw sina Rhayyan Amsali, Joshua Callejo, at Winderlich Coyoca sa naiskor na double digit para patatagin ang kampanya para sa back-to-back title ng Recto-based cager.

Makakaharap ng Bullpups sa winner-take-all finals ang Adamson Baby Falcons, nagwagi sa La Salle-Greenhills-A, 90-70.

Nanguna si Jason Celis sa Baby Falcons sa 16 na puntos, habang kumana si Joem Sabandal ng 14 na puntos.

Romualdez, pinasalamatan tennis player na si Alex Eala

Sa women’s quarterfinal, ratsada si Mabel Ballecer sa nakubrang 14 na puntos sa panalo ng Far Eastern University Lady Tamaraws kontra Enderun College Lady Titans, 71-57.

Makakatapat ng Lady Tamaraws sa semi-final duel ang University of the East.

Mapapalaban naman ang Adamson sa University of the Philippines Lady Maroons.

Sa senior division, magkakasubukan ang Mapua at Adamson sa senior semi-finals, habang magtutuos ang Arellano University at Jose Rizal University sa 9:30 ng umaga.