STA. BARBARA, Pangasinan - Isang barangay chairman sa bayang ito ang nasampulan ng “citizen’s arrest” matapos manutok at magpapaputok ng baril sa Barangay Payas, Sta. Barbara.
Sa panayam kahapon ng Balita kay Insp. Grandeur Tangonan, deputy chief of police ng Sta. Barbara, nakilala ang suspek na si Romeo Macatbag Montemayor, ng Bgy. Payas, Sta. Barbara.
Tatlo sa mga biktima ni Montemayor ang nagsagawa ng citizen’s arrest sa kanya kasunod ng panunutok at pagpapaputok niya ng baril dakong 7:00 ng gabi nitong Martes.
Kinilala ni Tangonan ang mga biktima na sina Edmund Santos Ganigan, 20, working student; Vincent Garcia Ancheta, 22, bread vendor; at Leonardo Evaristo Barbiran, 21, college student, pawang taga-Bgy. Payas, Sta Barbara, Pangasinan.
Ayon sa pulisya, nanggulo ang suspek sa Evaristo Compound hanggang napagbalingan ang tatlong biktima.
Bagamat natakot sa pagpapaputok ng baril ng chairman, nanaig sa mga biktima ang paninindigang magsagawa ng citizen’s arrest.
Nahaharap si Montemayor sa mga kasong alarm and scandal, grave threat at kasong administratibo. (Liezle Basa Iñigo)