ALINSUNOD sa Presidential Proclamation No. 183, s. 1993, ang Hunyo ay ipinagdiriwang sa buong bansa bilang National No Smoking Month. Pinalalawig ng proklamasyon ang paggunita sa World No Tobacco Day na idinadaos tuwing Mayo 31 hanggang sa buong buwan ng Hunyo bilang pagpapaigting sa kampanya laban sa paninigarilyo sa pamamagitan ng pagpapamulat sa publiko ng hindi magandang epekto nito. Bukod sa panganib na naidudulot nito sa kalusugan, matindi ang pinsalang naihahatid ng sigarilyo sa kalikasan dahil 98 porsiyento ng mga ito ay nagtataglay ng plastic non-biodegradable filters, ayon sa artikulong inilathala ng pandaigdigang peer-reviewed journal para sa mga propesyunal sa kalusugan, ang Tobacco Control.

Ayon sa datos ng World Health Organization, ang paninigarilyo ang nananatiling isa sa mga pangunahing sanhi ng kamatayan sa mundo. May limang milyong katao sa mundo ang namamatay taun-taon sa mga sakit na dulot ng paninigarilyo. Ang pagdami ng mga namamatay dahil sa paninigarilyo sa Pilipinas ay karaniwang iniuugnay sa bisyo ng paninigarilyo sa mga unang taon ng pagiging teenager. Sa panahong nasa hustong gulang na sila, labis na ang pagkahumaling nila sa masama at nakamamatay na bisyong ito.

Tinukoy ng pag-aaral ang ilang dahilan kung bakit madali lang para sa kabataan ang subukan ang paninigarilyo.

Kabilang sa mga ito ang: napaliligiran sila ng matatanda na naninigarilyo, kaya upang makaramdam ng maturity, o ituring na adult, naninigarilyo rin sila; impluwensiya o pamimilit ng barkada; susubukan lamang dahil sa kuryosidad o upang makasanayan; at matamo ang pakiramdam ng excitement sa maling tagumpay ng pasekretong paghithit ng sigarilyo nang hindi nahuhuli ng mga magulang.

Bilang suporta sa World No Tobacco Day 2016 at No Smoking Month ngayong Hunyo, binigyang-diin ng Civil Service Commission (CSC) ang adbokasiya nito laban sa paninigarilyo sa burukrasya. Sa pakikipagtulungan sa Department of Health (DoH), inilabas ang CSC Memorandum Circular No. 13, s. 2016 na humihikayat sa lahat ng tanggapan ng gobyerno upang makibahagi sa iba’t ibang aktibidad na inihanda para sa mga nabanggit na okasyon. Saklaw ng circular ang pagbibigay-diin sa CSC Memorandum Circular No. 17, s. 2009 (Smoking Prohibition Based on 100% Smoke-Free Policy) at sa CSC-DoH Joint Memorandum Circular 2010-01 (Protection of the Bureaucracy Against Tobacco Industry Interference), na itinuturing bilang makasaysayang polisiya na nagtatakda ng limitasyon sa ugnayan sa pagitan ng gobyerno at ng mga nasa industriya ng tabako.

Hangad ng No Smoking Month na bigyang kakayahan ang DoH at ang mga katuwang nito upang makakuha ng suporta para sa Graphic Health Warnings (GHW) Law, na naging epektibo noong Marso 3. Sa ilalim ng nasabing batas, ang lahat ng gumagawa ng sigarilyo ay inoobligang palitan ang makukulay nitong pakete ng sigarilyo ng mga aprubadong graphic health warning na nagpapakita sa masamang epekto ng paninigarilyo sa kalusugan. Dapat na epektibong tumatalima ang lahat ng gumagawa ng sigarilyo sa batas na ito pagsapit ng Nobyembre 4, 2016.