Umabot na sa 11,204 na motorista ang nahuli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa ilalim ng ipinatutupad nitong “no-contact apprehension" policy laban sa mga pasaway na driver sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Sa pinakahuling datos ng MMDA, 80 porsiyento sa naturang bilang ay mula sa public utility vehicles (PUV) tulad ng pampasaherong bus, jeep, at taxi.
Noong Abril 15 sinimulang ipatupad ng ahensiya ang nasabing polisiya upang maiwasan ang mga pangingikil o pangongotong ng mga tiwaling traffic enforcer at maibsan ang problema sa trapik.
Sa papamagitan ng “no contact apprehension,” ginagamit ng MMDA ang footage ng mga closed circuit television (CCTV) na nakakalat sa mga istratehikong lugar sa Metro Manila sa pagtukoy sa mga sasakyan na lumalabag sa traffic regulations.
Makukunan ng CCTV ang plaka ng sasakyang lumabag sa traffic rules at sa tulong ng Land Transportation Office (LTO) ay matutukoy ng MMDA ang may-ari o operator ng sasakyan na padadalhan ng summon at traffic violation receipt sa kanilang bahay o tanggapan. (Bella Gamotea)