Si Sen. Antonio F. Trillanes IV ang itinuturing na “top performer” sa 16th Congress dahil siya ang may pinakamataas na bilang ng panukala na naisabatas.
Hanggang Hunyo 6, 2016, huling araw ng 16th Congress, si Trillanes ay nakapag-sponsor ng 11 panukala at nag-akda ng 10 panukala na naisabatas.
Ito ay sa kabila ng pagiging pangalawa sa pinakamahirap na senador, sunod lamang kay Sen. Francis “Chiz” Escudero.
Bukod dito, talunan din si Trillanes sa May 9 elections sa posisyon ng bise presidente kasama sina Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Escudero, Gregorio “Gringo” Honasan, at Alan Peter S. Cayetano.
Sa limang senador na kumandidato, sina Trillanes, Escudero, Honasan, at Cayetano ang makababalik sa Senado sa Hulyo 1 dahil may tatlong taon pa silang nalalabi sa kanilang anim na taong termino. Habang ang termino ni Marcos ay magtatapos sa Hunyo 30.
Kabilang sa mahahalagang panukala ni Trillanes na naisabatas ay ang Subsistence Allowance of soldiers and other uniformed personnel; Strategic Trade and Management Act; Increase in Burial Assistance for Veterans; Cabotage Law; Declaration of Armed Forces of the Philippines Week; Social Work Law; Forestry Law; Chemistry Law; Nutrition and Dietetics Law; Metallurgical Engineering Law; at ang Farm Tourism Law.
Kabilang din sa mga panukala ni Trillanes na aprubado na ng Kongreso subalit hinihintay pang malagdaan ni Pangulong Aquino ay Comprehensive Nursing bill; Continuing Professional Development bill; Agricultural and Biosystems Engineering bill; Pharmacy bill; at ang Armed Forces of the Philippines (AFP) Derivative Pension for Children/Survivors bill. (MARIO CASAYURAN)