MATINDI ang pakiramdaman sa hanay ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) na nakatalaga sa Camp Crame matapos magbanta si President-elect Rodrigo Duterte na hihiyain niya sa publiko ang tatlong heneral na pulis na umano’y mga protektor ng drug syndicate dito sa bansa, sakaling ang mga ito ay hindi agad magbitiw sa kani-kanilang posisyon.

Hindi sila pinangalanan ni Duterte kaya’t umaatikabong hulaan din ito para sa mga reporter na nagko-cover sa PNP.

Maging ang ibang opisyal na taga-Crame ay sa mga reporter din nagtatanong kung sinu-sino ang tatlong heneral.

Ang liderato naman ng PNP ay tila nalilito kung paano sasagutin ang media na gumagawa ng follow-up story sa inanunsiyong ito ni Duterte.

Naiintindihan ko ang nerbiyos na nararamdaman ngayon ng mga heneral sa Camp Crame. Ang bintang kasi nang pagiging protektor ng mga sindikato sa droga ang pinaka-epektibong pang-intriga sa isang opisyal ng pulisiya at militar, para hindi makaupo, ‘di kaya nama’y matanggal sa hinahawakang magandang posisyon.

Subok na ito. Marami nang opisyal ng PNP at Armed Forces of the Philippine (AFP) ang nagdusa, nalugmok at nahirapang makabangon hanggang sa magretiro na lang sa serbisyo, dahil sa pamamaraang ganito. Malaki na ang perhuwisyo sa naakusahan bago pa siya mapatunayang wala naman ni katiting na kasalanan sa kasong ibinibintang sa kanya.

Napakadaling gawin ng operasyong ito. Mga hindi beripikadong “intelligence information” na paulit-ulit na ipapasa sa mga intelligence unit ng PNP at AFP at sadyang ipaparating sa mesa ng pangulo at sa kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) ay sapat na para makagawa ng intriga.

Totoong maraming opisyal ang nasisilaw sa kinang ng ginto na matatamo sa illegal na droga, pero dapat lang na solido ang mga ebidensiya bago humusga, lalo na sa hanay ng mga heneral sa PNP at AFP na malalim ang kompetisyon. Marami rin kasing mga ambisyoso sa serbisyo na gagawin ang lahat, maging ang ganitong klaseng paninira, mapunta lang sa kanila ang inaasam na posisyon na alam nilang namimiligrong makuha pa ng iba nilang kakumpitensya.

Madaling sumira ng pagkatao pero napakahirap pagtagni-tagniin ang nagkapunit-punit na pangarap kahit na mapatunayang tinahi-tahi lamang ang bintang at hindi naman pala ito totoo.

Para sa inyong mga sumbong, reklamo, report, balita, papuri o puna, mga kuhang video at litrato ng mga di-inaasahang mga pangyayari, i-text lamang ang mga ito sa: Globe 09369953459 / Smart: 09195586950 / Sun: 09330465012 o kaya’y mag-email sa: [email protected] (Daniel M. Veridiano, E.E.)