HINIHIMOK ng mahihirap na pamilya sa Pilipinas ang kani-kanilang anak na magsagawa ng live sex online para sa mga pedopilya sa iba’t ibang bahagi ng mundo, sa tinatawag ng isang opisyal ng United Nations Children’s Fund na “child slavery”.

“There’s no limits to how cruel and gross this business is—and it’s a billion, billion-dollar business,” sabi ni Lotta Sylwander, pinuno ng UNICEF sa Pilipinas.

Nanawagan siya sa mga Internet provider “[to] get on board” sa pagresolba sa krimeng ito at sinabing dapat na makibahagi ang mga money transfer center sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga suspek kung tutuntunin lamang ang mga kahina-hinalang paraan ng bayaran sa transaksiyong ito.

Ayon sa UNICEF, ang Pilipinas ang nangungunang pinanggagalingan ng child pornography sa mundo at ang “epicentre of the live-stream sexual abuse trade”.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Inilarawan ni Sylwander kung paanong ang mga edad lima o anim ay napipilitang magsagawa ng malalaswang bagay ilang beses sa isang araw sa harap ng isang webcam, at inaabot ng isang oras ang bawat pagtatanghal para sa mga kliyente online mula sa magkakaibang time zone.

“It’s facilitated by mothers and fathers or close relatives. It may even happen in their home,” aniya. “It’s definitely child slavery because the child has no choice.”

Nagpapadala ng pera ang mga pedopilya para magbigay ng direktiba sa kung ano ang nais ipagawa sa bata. Sa maraming kaso, ang bata ay inabuso ng isang hindi kapamilya, ngunit may mga insidente rin na mismong mga magulang ang umaabuso sa kanilang mga anak, o inaabuso ng mga anak ang isa’t isa.

Ayon kay Sylwander, nakapag-uulat sa Pilipinas ng hanggang 7,000 kaso ng cybercrime kada buwan, at kalahati sa mga ito ay may kaugnayan sa seksuwal na pang-aabuso sa bata.

“Our biggest hurdle is not the government, not the police; it’s getting the internet providers to come along and say we will help you track (and) stop this,” sinabi ni Sylwander nang kapanayamin ng Thomson Reuters Foundation sa London.

“My biggest concern is why don’t the internet providers do more—how can the dark web continue to do what it does?”

Ayon kay Sylwander, umarangkada ang live-streaming ng child sex sa Pilipinas dahil sa kahusayan ng mamamayan sa English, may maayos na access sa Internet, at may mahusay na sistema ng pagpapadala ng pera sa bansa na ginagamit ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibayong-dagat.

Alipin ng matinding paghihikahos, maraming magulang ang umaasang makatutulong ng kanilang mga anak sa paghahanap ng panggastos sa araw-araw. Isang grupo ng mga bata na nailigtas sa Maynila kamakailan ang nagsabing binabayaran sila ng P150 para maitampok sa show.

“Their minds have been so traumatised and so destroyed and so focussed on anything sexual that they can’t play or communicate like kids any more. It’s a very difficult rescue process,” ani Sylwander.

Kaugnay nito, nakikipagtulungan na ang UNICEF sa mga pulisya ng Britain, Australia at Netherlands upang resolbahin ang usapin. (Reuters)