NAKALULULA sa dami ang botong nakuha ng administrasyong Duterte dahil sa ipinangako nitong pagbabago. Ipinangako ang pagbabago sa maraming larangan sa bansa—upang matamasa ang benepisyo ng umuunlad na ekonomiya hanggang sa pinakamahihirap na mamamayan, pagkakaloob ng mas malawak na awtonomiya sa ilang rehiyon, na inaasahang magbubunsod ng mas malaking oportunidad sa kaunlaran, paghahatid ng kapayapaan sa sariling rehiyon ni President-elect Duterte, ang Mindanao, at makipagkasundo hindi lamang sa mga grupo ng Moro kundi maging sa mga rebeldeng Komunista ng New People’s Army.
Ngunit may natatangi siyang pangako ng pagbabago na kanya mismong pinalugitan—tutuldukan niya ang kriminalidad at ang banta ng ilegal na droga sa bansa sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Sa isang press conference noong nangangampanya pa, idineklara niya: “I will control drugs. I will control crime. And, I repeat, the predicate in all my statements is this—I am willing to lose the presidency, my life, or honor. This is what I promise the people. I intend to do it.”
Ngayong ilang araw na lang ay magsisimula na ang administrasyong Duterte, nagbabala ang susunod na hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Ronald de la Rosa na ang mga pulis na sangkot sa ilegal na droga ay hindi pagkakalooban ng “gentle persuasion.” Mahaharap sila sa “outright elimination.” Sa 160,000 tauhan ng pulisya, sinabi niya na “more or less one percent” ang sangkot sa ilegal na droga. Para sa mismong mga drug lord, binigyang-diin ni De la Rosa ang sariling babala ni President-elect Duterte: “If he puts up a fight, he dies.”
Sa nakalipas na mga araw, ilang taong nauugnay sa operasyon ng ilegal na droga ang natagpuang patay, na malinaw na mga insidente ng vigilante killing. Sa selebrasyon ng tagumpay ng nahalal na pangulo sa Crocodile Farm sa Davao City noong Sabado, mismong si President-elect Duterte ang humikayat sa publiko na tulungan siya sa laban kontra krimen, at nag-alok ng pabuya sa makadadakip o makapapatay ng mga drug lord.
Ang ganitong pahayag ay natural lang na ikaaalarma ng mga nagsusulong ng karapatang pantao na labis na nangangamba sa posibilidad ng malawakang paglabag sa mga karapatang pantao. Mismong ang Malacanang, sa pamamagitan ni Presidential Communication Secretary Herminio Coloma, Jr. ang nagsabing bagamat sinusuportahan nito ang kampanya laban sa kurapsiyon, mahalagang ipatupad ito nang naaayon sa batas.
Totoong isa itong malaking problema. Tayo ay isang bansa ng mga batas at tumatalima sa mga panuntunan at sa proseso ng pagpapatupad sa mga ito, kahit pa nagbubunsod ito ng matagal na pagkakaantala sa pagkakamit ng hustisya. Maraming kaso ang hararang sa proseso ng hudikatura. At kung maraming tao—mga opisyal at tauhan ng mga ahensiyang tagapagpatupad ng batas, katuwang ang mga maparaang pribadong indibiduwal—ang nakapangyayari sa batas, magkakaroon tayo ng kultura ng kaligtasan sa parusa na mismong si President-elect Duterte ang nangakong bubuwag.
Maaari ba niyang gawin ito habang istriktong ipinatutupad ang batas? Tunay na ito ang panahon ng kawalang katiyakan sa ating bansa.