Nagbigay ng ilang tip ang Department of Health (DoH) upang makaiwas ang publiko sa mga sakit na nakukuha ngayong tag-ulan.
Ayon kay Health Secretary Janette Loreto-Garin, madali lamang protektahan ang sarili laban sa W.I.L.D. diseases o water-borne, influenza, leptospirosis at dengue, at ito’y sa pagkakaroonng tamang hygiene at lifestyle habits.
Sinabi ng kalihim na mahalagang magkaroon ng kumpletong tulog ang isang tao, kumain ng masusustansiya, regular na mag-ehersisyo at itapon nang tama ang mga basura upang mailayo ang sarili sa sakit.
Ugaliin ang pagtatakip ng bibig kung babahing at hugasan nang mabuti ang kamay gamit ang tubig at sabon, bilang proteksiyon sa anumang karamdaman.
Naniniwala aniya ang mga doktor na ang tamang paghuhugas ng kamay ay tulad ng isang “do-it-yourself vaccination” na maglalayo sa iyo sa mga sakit.
Paliwanag ni Garin, ang maruming kamay ay kontaminado ng mga virus at bacteria at matatanggal lamang ito sa pamamagitan ng tamang paghuhugas ng kamay.
Ipinayo ni Garin na bantayan ang weather reports upang matukoy kung uulan upang makapagbaon ng panangga sa ulan tulad ng payong at kapote. Magdala ng ekstrang damit, sapatos at medyas kung talagang hindi maganda ang lagay ng panahon.
Umiwas sa mga binabahang lugar at huwag hayaang maglaro o maglunoy ang mga bata sa baha kung saan karaniwang nakukuha ang mga sakit tulad ng leptospirosis.
Mapanganib rin ang baha dahil sa posibilidad na may mga mababangis na hayop na nagtatago rito tulad ng ahas.
Umiwas sa pagkakaroon ng close contact sa mga taong may lagnat, ubo at sipon upang hindi mahawa.
Ayon kay Garin, madali namang gagaling mula sa mga naturang karamdaman sa pamamagitan ng pagpapahinga, pagkain ng tama at pag-inom ng maraming tubig at sariwang juice.
Upang makaiwas sa dengue, tiyaking walang nakabarang tubig bahay o sa paligid na maaaring pamahayan ng lamok.
Dapat aniyang tandaan na ang mga lamok na nagdadala ng dengue ay maaaring mabuhay sa malinis na tubig sa mga plorera at maging sa maliliit na bagay na maaaring mayroong naipong tubig tulad ng mga basyong bote o lata, at mga lumang gulong ng sasakyan.
Pinayuhan din ni Garin ang publiko na kaagad na kumonsulta sa doktor kung masama ang pakiramdam upang maagapan at hindi na lumala pa ang sakit. (MARY ANN SANTIAGO)