Kasado na ang plano ng mga convicted drug lord na nakapiit sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City na ipalikida si incoming President Rodrigo Duterte.

Ito ang inihayag ni Chief Supt. Ronald “Bato” de la Rosa, incoming PNP chief, base sa intelligence information na nakalap ng kanyang tanggapan hinggil sa naganap na pagpupulong ng mga sintensiyadong drug lord upang pigilan ang hakbang ni Duterte na tuldukan ang pamamayagpag ng droga sa bansa.

“I received information that the other day, the drug lords there at the Bilibid met and they reportedly agreed to put P10 million bounty for me and mayor (incoming President Rodrigo Duterte),” pahayag ni De la Rosa.

Ito ay bilang reaksiyon sa alok ni Duterte na P5-milyong pabuya sa awtoridad o sibilyan sa kada drug lord na kanilang mapapatay o maaaresto. 

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Ang pondo para sa pabuya sa mga drug lord ay kukunin sa sobrang campaign fund ng kampo ni Duterte.

“So I will tell them to come on down, bring it on,” hamon ni De la Rosa. 

“If they (convicted drug lord) could bribe policemen, prosecutors, judge and prison officials, this time, I don’t know if they could still do that,” giit niya 

Tulad ni Duterte, nagdeklara rin si De la Rosa ng all-out-war laban sa mga sangkot sa droga kasabay ng babala sa mga pulis na nakikisawsaw sa ilegal na aktibidad.

Sinabi rin ng susunod na PNP chief na mayroon na silang listahan ng mga pulis na pinaghihilaang pasok sa ilegal na droga base sa impormasyong ibinigay ng PNP counter-intelligence unit. (Aaron Recuenco)