Aminado si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ricardo Marquez na matagal na niyang naririnig ang mga ulat na may mga senior police official na sangkot sa droga subalit wala pa ring ebidensiya na nakakalap ang awtoridad upang madiin ang mga ito.

Ito ay sa kabila ng pagtungo ng mga tauhan ng PNP Anti-Illegal Drugs Group sa Visayas upang mangalap ng ebidensiya laban sa mga umano’y heneral na sangkot sa illegal drugs, subalit bokya pa rin ang resulta.

“We are receiving reports sometimes through text messages and the usual routine is for the Intelligence Group to validate then. We really have raw information before,” pahayag ni Marquez.

“As a matter of fact, we deployed special teams of the AIDG in the Visayas but until now, the work is in progress.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

We still have no evidence to support the information about the involvement of active generals,” dagdag niya.

Tumanggi naman si Marquez na pangalanan ang mga police general na iniuugnay sa illegal drug activities dahil patuloy pa ang imbestigasyon ng awtoridad.

Ang pahayag ni Marquez ay bilang reaksiyon sa hamon ni incoming President Rodrigo Duterte sa tatlong police general na magbitiw na lang sa serbisyo at huwag nang hintayin ang kanyang pag-upo sa puwesto upang hindi abutin ng kahihiyan dahil papangalanan niya ang mga ito sa pagkakasangkot sa droga.

Ayon naman kay Marquez, hindi nila mapupuwersa ang mga heneral na magbitiw sa puwesto o sa serbisyo dahil mayroong legal na prosesong sinusunod hinggil sa mga tauhan ng Pambansang Pulisya na inaakusahang sangkot sa ilegal na gawain.

(AARON RECUENCO)