HABANG nagpapatuloy at palutong nang palutong ang pagmumura ni President-elect Rodrigo Duterte sa bawat lugar na kanyang puntahan, patuloy naman ang pamamayagpag ng mga holdaper sa mga pampublikong sasakyan.

Karaniwang binibiktima ng mga kawatan na ito ang mga pasahero, lalo na ang mga bumibiyahe sa gabi hanggang madaling araw, sa madilim na lugar bubunot ng baril o patalim upang makakulimbat.

Ayon sa pulisya, karamihan sa mga holdaper ay bangag kaya malakas ang loob. Ito ang dahilan kung bakit kapag kinuyog sila ng mga tambay ay ‘tila wala silang nararamdaman.

Iindahin na lamang nila ang sakit dulot ng malulutong na sapak, solidong tadyak at palo ng tubo kapag bumaba na ang tama.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Bagamat duguan, ‘tila wala silang nararamdaman hanggang sa ipasok sa kulungan. At kapag bumaba na ang tama ng droga, dito na mararamdaman ng hinayupak na holdaper ang kirot sa buong katawan dahil sa kanyang ginawang krimen.

Subalit paano na ‘yung mga demonyong holdaper na nakatatakas at hindi naparurusahan? Ganun na lang ba ‘yun?

Ang lakas ng loob nila dahil hindi sila nababanggit ni President Rody. Ang puntirya ng susunod na administrasyon ay mga sindikato sa droga at corrupt na kawani ng gobyerno.

Diyos kong mahabagin, sana po’y may magbulong kay Pangulong Digong na patuloy ang pagdami ng nahoholdap araw-araw, hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa iba pang siyudad sa bansa.

Tulad ng problema sa droga, malaking perhuwisyo rin ang mga holdaper lalo na sa paghahanapbuhay ng mga mamamayan.

Hindi naire-report ang karamihan sa mga insidente ng holdap sa paniniwala ng mga biktima na hindi rin ito masosolusyunan ng pulisya at masasayang lang ang kanilang oras sa presinto upang magbigay ng salaysay.

Panay ang pagbabandera ng PNP na bumababa ang insidente ng krimen sa buong bansa. Panay ang labas ng estadistika na nagpapakita na lumiliit ang mga numero ng iba’t-ibang krimen.

Hinahamon ni Boy Commute ang awtoridad na kumbinsihin at palakasin ang loob ng mga biktima ng holdap sa mga public utility vehicle at malamang ay magugulat kayo kung gaano kalala ang problemang ito.

Patapos na bukas (Hunyo 8) ang gun ban period at inaasahang maraming checkpoint ang hindi na aktibo sa pagmamanman sa mga kriminal.

Sana’y may makapagbulong kay Pangulong Digong na atasan ang Philippine National Police (PNP) na ipagpatuloy ang pagmamando sa mga checkpoint sa mga susunod na panahon.

Paging, Ginoong Pangulo! (ARIS R. ILAGAN)