Limitado na ang malayang pamamahayag sa bansa sa naging desisyon ni incoming President Rodrigo Duterte na tanging ang mga istasyon lang ng gobyerno ang maaaring mag-cover sa kanya.

Ayon kay Paul Gutierrez, pangulo ng National Press Club (NPC), negatibo ang magiging pananaw nito sa larangan ng malayang pamamamahayag kung tanging ang mga government-owned television network lamang, gaya ng PTV-4, ang makadadalo sa mga pulong-balitaan ng susunod na pangulo.

“I believe that this is a follow-up doon sa sinabi niya na kung ayaw siyang iboykot ng media, eh, siya na lang ang magboboykot sa media. In a sense, this is a subtle way o simpleng paraan ng bagong administrasyon na limitahan ang ating kalayaan sa malayang pamamahayag,” ani Gutierrez.

Sinimulan na ng kampo ni Duterte nitong Sabado ang limitasyon sa media makaraang pagbawalan ang mga pribadong TV network na makapuwesto sa media box malapit sa entablado sa “DU31” thanksgiving party sa Davao City.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nagalit si Duterte sa mga mamamahayag kasunod ng panawagan ng Reporters Without Borders sa local media na huwag nang pumunta sa mga press conference ni Duterte, pero sa halip ay ang bagong halal na Pangulo ang nagpatupad ng boykot.

Paliwanag ni Gutierrez, isa sa mga maaaring mangyari ay ang tuluyan nang mawalan ng karapatan ang mga pribadong TV network na beripikahin ang mga balita na ipadadala sa kanila ng mga state-run network.

Ang ganitong klase ng pamamahayag ay nangyari na noong panahon ng batas military, sa ilalim ng diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.

“I cannot help but to think of it that way kasi kung dati, may free market of ideas—na kanya-kanyang pagalingan ang mga mamamahayag sa pagkuha ng balita—biglang nagkaroon ng filter, partikular na sa Palasyo ng Malacañang,” ani Gutierrez. (LEONEL ABASOLA)