HINDI bibigyan ng puwesto sa Gabinete si Vice President-elect Leni Robredo ni President-elect Rodrigo Roa Duterte (RRD), at hindi rin siya hihirangin bilang puno ng National Anti-Poverty Commission (NAPC). Sa halip, ang planong hirangin ni Duterte ay isang babae mula sa makakaliwang grupo na rekomendado ng National Democratic Front (NDF).
Kung sa bagay, hindi naman nanghihingi ng posisyon si beautiful VP Leni. Tanging hangarin niya ay bigyang-ginhawa ang mga nasa laylayan ng lipunan, mahihirap, mga residente sa kanayunan, mula sa malalayong sityo, baryo at kabundukan na laging nakakalimutan ng gobyerno. Ang NAPC ay isang ahensiya na nagsisilbi coordinating and advisory board sa social reform at poverty alleviation.
Sa kabila nito, inihayag ni VP Robredo na susuportahan niya si President Rody sa pagsusulong ng tunay na PAGBABAGO sa Pilipinas upang magkaroon ng kaunlaran, katahimikan at kaayusan, at masugpo ang illegal drugs. Pinaalalahanan niya si RRD tungkol sa pakikipagbangayan sa media at pagtrato sa kababaihan. Sabi ni Leni: “Uphold rule of law, protect women’s rights.” Nagtataka ang marami kung bakit inayunan pa at hindi kinondena ni Gabriela Party-list Rep. Luz Ilagan ang ginawang “pagsipol” ni RRD kay GMA-7 reporter Mariz Umali sa presscon, gayong ang mga kasamahan niya sa Gabriela ay kontra rito. Bakit, takot ba siya kay Mayor Digong dahil minsan ay naging konsehal siya sa Davao?
Nang banatan ni Mang Rody ang media at sinabing ang corrupt o bayarang journalists ay lehitimong target ng pagpatay, nagpahayag ng pagkadismaya ang kaibigan kong si Ramon “Mon” Tulfo, hard-hitting columnist na walang pinanganganinuhan. Nakasama ko si Mon Tulfo, kapatid nina Erwin, Raffy at Ben, sa coverage ng Defense Ministry na ang hepe noon ay si ex-Defense Minister Juan Ponce Enrile. “Nabigla ako sa inasal o behavior ni president-elect Duterte sa media”. Dagdag pa ni Mon: “He was not in his element--far from the Digong I knew before the May 9 elections.”
Si Mon, tulad ng kaibigan at UST classmate kong si sports writer-columnist Rech Trinidad, ay masugid na supporter ni RRD. Dumalo pa sila sa miting-de-avance ng machong alkalde sa Luneta noon. Siya raw ngayon ay “entirely different person” na kilala niya noon. “The Duterte I know is friendly to the press and amiable to everyone; except of course to criminals and drug users.” Nagdurugo raw ang kanyang puso nang magdeklara ng “war” sa media ang kaibigan noong Huwebes ng gabi.
“Nakalimutan niya marahil na akong kaibigan niya at confidant ay miyembro ng press.” Inamin ni Tulfo na talagang may “rotten eggs” sa media, pero ang statement daw ni Duterte na nagdya-justify sa media killing ay isang open invitation sa mga taong nasaktan ng columnists, reporters o broadcasters, para gumanti at pumatay.
Dapat tandaan na si Mon Tulfo ay may paninindigang kumakalas kahit sa malalapit niyang kaibigan kapag hindi niya nagustuhan o kumporme sa gawain ng mga ito. Kabilang sa dati niyang makakapangyarihang mga kaibigan na binangga at nakalaban ay sina ex-First Gentleman Mike Arroyo, ex-PNP Chief, ex-Senator at ngayon ay Senator-elect Panfilo Lacson. Nakabangga rin niya ang ex-Palawan Gov. Joel Reyes na suspek sa pagpatay kay broadcaster-environmentalist Doc Gerry Ortega.
Hindi siya natakot sa puwersa noon nina Mike Arroyo at Ping Lacson. Ganito rin kaya ang magiging paninindigan niya laban kay President Rody kapag hindi ito nagbago ng asal sa media, kababaihan, pagmumura sa Simbahan, at maging sa United Nations? (Bert de Guzman)