NASA mahigit 20 minahan ng metal sa Pilipinas ang napaulat na paulit-ulit na sumuway sa mga panuntunang pangkalikasan at tinukoy sa isang listahan na isusumite kay President-elect Rodrigo Duterte.

“Of the 44 metallic mines operating, we can say that half of them have repeatedly been warned to undertake environmental protection measures to be considered compliant with the law,” sinabi ni Mines and Geosciences Bureau (MGB) Director Leo Jasareno nang kapanayamin sa radyo.

Kabilang sa mga paglabag ang mapanganib na operasyon na naglalantad sa mga manggagawa sa minahan, mga komunidad, at mismong kalikasan sa mga usok, alikabok at dumi. Sinabi ni Jasareno na ang ilan sa mga lumabag ay pinatawan na ng suspensiyon.

Ang komento ni Jasareno ay kasunod ng panawagan ni Duterte sa mga kumpanya ng minahan “[to] shape up” at tigilan na ang pagwasak sa kalikasan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sinabi ng ika-16 na Pangulo ng bansa na mas pipiliin niyang ipaubaya ang pagmamay-ari sa mga minahan sa mga lokal na mamumuhunan at maaari rin niyang iutos ang pag-amyenda sa mga patakaran sa industriya upang malimitahan ang pagpinsala ng sektor sa kalikasan ng bansa.

Isa ang Pilipinas sa may pinakamalalaking mineral resources sa mundo ngunit dahil sa mariing pagtutol ng Simbahang Katoliko, sa matinding pagkondena ng mga environmental activist sa pagmimina, sa insurhensiya, at kurapsiyon, maraming proyekto sa minahan ang natetengga.

Kabilang sa mga proyekto na maaaring hindi na maisakatuparan ang gold-copper Tampakan mine sa South Cotabato na nadiskubre noong 1991. Ang Tampakan ay nasa kamay na ngayon ng isang grupo ng mga Pilipinong mamumuhunan matapos itong bitiwan ng Swiss giant na Glencore noong 2015, makaraang maapektuhan ang proyekto ng pagbabawal sa open-pit mining.

Ang gastusin sa development ng Tampakan ay una nang tinaya sa $5.9 billion.

Sinabi ni Jasareno na naghanda na siya ng “transition report” na nagdedetalye sa sitwasyon ng industriya ng pagmimina, na maaari na niyang isumite sa susunod na kalihim ng Department of Environment and Natural Resources.

Opisyal na maluluklok sa puwesto sa Hunyo 30, napangalanan na ni Duterte ang halos lahat ng miyembro ng kanyang Gabinete noong nakaraang linggo, ngunit wala pa siyang naitatalagang kalihim para pangasiwaan ang sektor ng minahan sa bansa.

Ayon kay Jasareno, kabilang sa mga tinukoy sa kanyang ulat ang mga madalas na lumabag sa batas pangkalikasan, gayundin naman ang mga responsable sa pagmimina, ngunit tumanggi siyang pangalanan ang sinuman sa mga ito.

Aniya, ang mariing paninindigan ni Duterte laban sa iresponsableng pagmimina ay makatutulong nang malaki sa MGB upang mas istrikto pa nitong maipatupad ang mga panuntunan laban sa pagkasira ng kalikasan. (Reuters)