Sinabi ng mga opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas na ang kaso ng pagnanakaw sa Bank of Bangladesh ay patunay na kailangan nang amyendahan ang bank secrecy law at anti-money laundering law ng bansa.

Sa isang briefing sa Mactan Island, Cebu nitong weekend, sinabi ni BSP Deputy Governor Vicente Aquino na ang mga nabanggit na batas ay mayroong mga probisyon na pinapahirap ang kaagad na pagtugis ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa mga kuwestyonableng transaksiyon.

Isang halimbawa ang Republic Act No. 1405 o Act Prohibiting Disclosure of an Inquiry into Deposits with any Banking Institutions, na nagkabisa noong Setyembre 9, 1955, na nagtitiyak ng absolute confidentiality sa lahat ng bank deposit.

AngRepublic Act. No. 6426 o An Act Instituting a Foreign Currency Deposit System in the Philippines naman ay nagkakaloob ng “absolute” confidentiality sa lahat ng foreign currency deposits. Ang batas ay nagkabisa noong Abril 4, 1974.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Sinabi ni Aquino na ang mga batas na ito ay inaprubahan matagal nang panahon at nangangailangan ng ilang pagbabago upang matugunan ang nagbabagong panahon at kapaligiran.

“I am for the repeal of these two laws but if these are legally not possible there should be amendments to these…so we can show to the whole world that we are compliant to international rules on money laundering,” aniya.

Sinabi ni Aquino na hindi gaya ng ibang bansa na ang bank secrecy laws ay hindi tungkol sa confidentiality ng mga bank account kundi sa pagiging bukas, ang batas sa Pilipinas ay nagtatakda ng absolute confidentiality.

Sinabi niya na ang Switzerland, na dating nasa tuktok ng listahan ang pagpapanatili ng secrecy of bank accounts, ay inamyendahan na ang batas nito para sa parehong layunin.

“I’m hopeful that these additional amendments on those deposits secrecy laws would be fast-tracked by the next Congress, would be approved by both houses of the Congress,” aniya, na ang tinutukoy ay ang 17th Congress. (PNA)