CAGAYAN DE ORO CITY – Nangako ang mga bagong halal na opisyal ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) na susuportahan ang panukalang federal government ni President-elect Rodrigo Duterte.

Sinabi ng abogadong si Ras Mitmug, Chief of Staff ni ARMM Governor-elect Mujib Hataman, na nagpahayag ang governor na malabo nang maipasa ang Bangsamoro Basic Law (BBL).

Gayunman, kung walang BBL, handa ang adminsitrasyon ni Hataman na suportahan ang panawagan ni Duterte para sa federalism upang ang kilusan ay makapaghatid ng pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa mga lalawigan sa ilalim ng ARMM.

Ayon kay Mitmug kailangan munang magkasundo ang iba’t ibang sektor sa Muslim region sa mga detalye at mechanics ng panukalang federal system.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinabi naman ni Zia Alonto Adiong, ang bagong halal na ARMM Assemblyman na kumakatawan sa Lanao Del Sur, na suportado niya ang idea ng pagtatag ng federal system na pamahalaan.

Gayunman, sinabi ni Adiong na kailangan pang pag-aralan ang mga detalye ng panukalang federal system upang matiyak na ang sistema ay maghahatid ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.

Sinabi niya na ideal ang federalism, ngunit mayroong mga isyu sa Muslim-dominated areas sa Mindanao na hindi matutugunan ng federal form of government.

Umaasa pa rin si Adiong sa pagpasa ng BBL dahil ang konsepto nito, aniya, ay produkto ng sama-samang pagsisikap ng nakalipas na gobyerno, mga peace advocate at iba’t ibang sektor sa Mindanao.

Ayon sa kanya, tinutugunan ng BBL ang mga isyu ng political apathy, pang-aapi at kawalan ng katarungan sa lipunan na dinaranas ng minorya ng mamamayan ng Mindanao na kinabibilangan ng mga Muslim at Indigenous People (IP) simula pa noong panahon ni Pangulong Manuel L. Quezon. (PNA)