BUDAPEST, Hungary (AP) — Ipinahayag ng International Weightlifting Federation (IWF) na 20 weightlifter, kabilang ang ilang medal winner na sumabak sa 2008 at 2012 Olympics, ang nagpositibo sa droga sa isinagawang re-testing sa doping sample.

Sa opisyal na pahayag na ipinadala sa Associated Press, sinabi ng IWF na ipinaalam sa kanila ng International Olympic Committee (IOC) ang naturang resulta kung saan 10 kaso ang naitala sa 2008 Beijing Games, at 10 din sa 2012 London Olympics.

Anila, ang resulta sa Beijing test ay “presumed” positive kung kaya’t kailangan pang suriin ang B sample ng naturang mga atleta, habang ang 10 kaso sa London ay kumpirmado na umano batay sa “adverse analytical findings.”

Kabilang sa nagpositibo ang mga nagwagi ng medalya, ngunit tumanggi muna ang IWF na pangalanan ang mga ito.

Filipino Olympian Hergie Bacyadan wagi kontra Chinese kickboxer; sinungkit gintong medalya

“We proceed to the provisional suspension of the athletes as soon as the IOC procedures (are) concluded,” ayon sa IWF.

Ang 20 kaso ay bahagi ng kabuuang 55 na bagong kaso sa isinagawang re-testing ng IOC, kabilang ang 32 sa Beijing, at 23 sa London.

Iginiit ng IOC na naging masugid ang kampanya para sa re-testing upang masawata ang mga atletang sasabak sa Rio Games sa Agosto 5-21.