Pinaghahanap ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawa pang umano’y kakutsaba sa ilegal na pangangalap ng donasyon gamit ang pangalan ng isang tauhan ni incoming president Rodrigo Duterte.

Kinilala ang NBI Anti-Graft Division (AGD) ang isa sa dalawang suspek na si Manny Funa, Jr. habang ang isa ay natukoy lamang bilang alyas “JV.”

Sina Funa at JV ay ikinanta ni Jerico Sauco, isa sa apat na suspek na unang naaresto ng NBI habang nagwi-withdraw sa isang bangko sa San Pedro, Laguna, nitong Miyerkules.

Si Funa ay sinasabing tiyuhin ni Sauco, habang si JV ay kasama nito sa negosyo.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ayon sa imbestigasyon, tinawagan ni Sauco ang punong tanggapan ng Bank of the Philippine Islands (BPI) at nagpakilala bilang “Peter Laviña”, na tagapagsalita ni Duterte noong panahon ng pangangampanya at nangalap ng P1 milyon donasyon para sa thanksgiving party ng susunod na pangulo.

Bukod kay Sauco, kasamang naaresto ng NBI sina Aubrey Pineda, Reinyl Funa at Paul Gulinao, matapos maaktuhang nagwi-withrdaw ng P300,000, na pinaniniwalaang bahagi ng P1-milyon donasyon, mula sa isang sangay ng East West Bank sa San Pedro, Laguna. (Argyll Cyrus B. Geducos)