Ni NORA CALDERON

Regine Velasquez

Regine Velasquez
“ANO’NG tsika?” ang salubong ni Regine Velasquez-Alcasid sa ilang entertainment reporters na bumisita sa set ng Poor Senorita. 

Kababalik lang kasi ni Regine mula sa kanyang “Timeless US Concert Tour” kaya hindi siya updated sa latest balita. Ang una namang tanong sa kanya, kung totoo ang balita na banned na siyang mag-show sa Smart Araneta Coliseum dahil iba raw ang sinuportahan niya noong eleksiyon.

“Wala naman, wala silang sinasabi sa akin,” sagot ni Regine. “Matagal-tagal na rin kasi akong hindi nakapagso-show sa Araneta. Madalas sa SM Mall of Asia ang concert namin, kahit iyong praise & worship concert namin na Reborn, du’n din namin ginawa. If iyon ang reason, at kung totoo, wala naman akong magagawa, sasabihin ko lang sa kanila, sumunod lang ako sa kung sino ang sinusuportahan ng asawa ko.”

Hindi pangmatagalan ang concert series ni Regine sa US, lalo na’t miss na miss niya ang anak na si Nate at ang limang anak-anakan niya sa Poor Senorita.

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

“Nagbago na ako, hindi na ako nag-shopping after ng concert, umuwi agad ako,” natatawang kuwento ni Regine. “Hinanap ko lang iyong ibinilin ni Nate na toys na gusto niya sa isang department store, kapalit ng pagpayag niyang hindi ko siya isinama. Noon kasing maliit pa si Nate, isinama ko siya sa isang concert tour pero nagkasakit siya at ang hirap, kaya ayaw ko nang maulit ‘yon. Iyon nga lang, lungkot na lungkot ako kaya lagi kaming magka-Skype. Ang laki ng telephone bill ko, pero para sa anak ko, ok lang.”

Natuwa si Regine na sa pagbabalik niya sa taping ng Poor Señorita kasama pa rin si Manilyn Reynes, na special guest nila.

“First time kasi naming nagkatrabaho sa isang soap, usually nakakasama ko lang siya sa musical variety show ng GMA. Tuwang-tuwa ako sa character niya bilang si Ligaya, milyonarya, pero kahit anong init ng panahon, laging naka-fur coat at iba-ibang headdress. Sa set, lagi naming napag-uusapan tungkol sa mga anak namin.

“At may pagbabago na rin sa character ko rito dahil gumaling na ako sa amnesia ko. Kaya mas magaganda ang eksena namin ng mga bata at ni Paeng (Mikael Daez). Ngayon nga iti-tape na namin ang confrontation scene ko with my Tita Deborah (Snooky Serna).  Gusto ko ring magpasalamat sa mga sumusubaybay ng Poor Senorita gabi-gabi at nakakakuha kami ng mataas na ratings.”

Napapanood ang Poor Senorita gabi-gabi pagkatapos ng 24 Oras.