Nasiguro ng San Beda College ang kapit sa ikalawang posisyon sa Group B papasok sa quarterfinal round nang pabagsakin ang Ateneo de Manila, 82-73, kahapon sa pagtatapos ng elimination ng 2016 Fil Oil Flying V Premier Cup sa San Juan Arena.
Bagamat dikit lamang ang laban sa kabuuan, nagawang makaalpas ng Red Lions at angkinin ang ikaanim na panalo sa pitong laro.
Nagtala ng 20 puntos at 13 rebound si Donald Tankoua upang pangunahan ang nasabing panalo.
Nagtapos ding may double figure sina AC Soberano at JV Mocon na nagsalansan ng 15 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Nanguna naman para sa Blue Eagles, bumagsak sa 4-3, si Thirdy Ravena na may 22 puntos at 10 rebound.
Nag- ambag ng 10 puntos si Aaron Black habang tumapos na may siyam at walong puntos sina Chibueze Ike at Adrian Wong. - Marivic Awitan