Mga laro ngayon (San Juan Arena)
1 n.h. -- Cignal vs Navy
4 n.h. -- Air Force vs UP
6:30 n.g. -- NU vs Balipure
Tatangkain ng Philippine Air Force na makisalo sa Pocari Sweat sa maagang liderato sa pakikipagtuos sa University of the Philippines sa Shakey’s V League Season 13 Open Conference elimination ngayon sa San Juan Arena.
Magtatapat ang Jet Spikers at Lady Maroons ganap na 4:00 ng hapon, pagkatapos ng solong laro sa Spiker’s Turf sa pagitan ng Cignal at Philippine Navy ganap na 1:00.
Tatangkain ng Jet Spikers ni coach Jasper Jimenez na masungkit ang ikatlong sunod na panalo upang makatabla sa Lady Warriors sa maagang pamumuno.
Magsisikap naman ang Lady Maroons na makabawi sa kabiguang nalasap sa kamay ng Pocari Sweat.
Sa tampok na laro, inaasahan namang makakasama na sina Alyssa Valdez at Gretchel Soltones sa kampanya ng Bali Pure. Dumating ang dalawa kahapon mula sa kanilang European tour.
Magkakasubukan ang Purest Water Defenders at National University Lady Bulldogs sa tampok na laro sa 6:00 ng gabi.
Mauuna rito, tatargetin ng Cignal ang ikatlong sunod na panalo na magpapatatag ng kanilang solong pamumuno sa Spiker’s Turf sa pagharap sa Philippine Navy.
Huling tinalo ng HD Spikers sa pamumuno ni UAAP Season 78 Finals MVP Ysay Marasigan ang Philippine Air Force. - Marivic Awitan