Inaresto ng mga awtoridad ang isang Nigerian at kanyang asawang Pinay dahil sa umano'y pagbebenta ng ilegal na droga sa Tondo, Manila, nitong Sabado ng hapon.
Kinilala ang mga suspek na sina Onyinchukuwu Jhon Aneke, 35, Nigerian, at Lorena Aneke, kapwa residente ng Udique Street, sa kanto ng Infanta Street, Tondo, Manila.
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang kasalukuyang kinakaharap ng mag-asawa.
Ayon kay Chief Insp. Rod Vargas, hepe ng Manila Police District-District Anti-Illegal Drugs (MPD-DAID), dakong 5:00 ng hapon nang mahuli ng kanyang mga tauhan ang mag-asawa sa ikinasang buy bust operation sa nasabing lugar.
Aktong iniaabot umano ng mag-asawa ang shabu sa isang police agent kapalit ng P5,500 na marked money, nang posasan sila ng mga awtoridad.
Modus operandi ng mga suspek na ikubli sa ilalim ng Archie Make-up kit ang kanilang ibinibentang shabu upang hindi mahalata ng awtoridad.
Nakumpiska ng mga pulis mula sa mga suspek ang 16 na piraso ng Archie Make-up na naglalaman ng tig-pitong gramo ng shabu na may street value na mahigit P500,000. - Mary Ann Santiago