Natuldukan ang magilas na ratsada ng Philippine Team Lady Azkals nang makamit ang 1-0 kabiguan sa Thailand sa championship ng Asian Football Confederation Under-14 Girls’ Regional Championship nitong Linggo sa Chao Anouvong Stadium sa Vientiane, Laos.
Nakalusot sa mala-moog na depensa ng Lady Azkals ang natatanging goal sa laro, habang nabigo silang makaungos para magkasya lamang sa silver medal.
Iginiit naman ni coach Joyce Landagan na higit pa sa gintong medalya ang natamo ng Team Philippines dahil sa karangalang naibigay sa bansa. Walang nagaakala na aabutin ng Lady Azkals ang kinalalagyan sa kasalukuyan.
Ang kabiguan ang tanging pagkatalo ng Pinay sa apat na laro, kabilang ang 5-1 panalo sa Myanmar.
Naiskor ni Phattharanit Duangkaew ang tanging goal sa nakalipas na 19 minuto.