LAOS – Tunay ang tapang ng Philippine football Lady Azkals team.
Patuloy ang kahanga-hangang ratsada ng Pinay booters matapos dominahin ang Myanmar, 5-1, para makausad sa championship match ng Asian Football Confederation (AFC) Under-14 regional championship Asean zone nitong Sabado, sa Chao Anouvong Stadium dito.
Ratsada si team captain Carleigh Frilles sa naiskor na tatlo sa limang goal ng Lady Azkals para makamit ang pambihirang kampanya sa torneo na dominado ng mga kapit-bahay sa rehiyon.
Makakaharap ng Team Philippines ang powerhouse Thailand sa finals Linggo ng gabi.
Ginapi ng Thai ang host Laos, 2-0, sa hiwalay na semi-final duel.
Nagtabla ang Pilipinas at Thai sa 2-2 sa kanilang pagtatapat sa preliminary round.