TOKYO (AP) — Ginapi ng France ang Venezuela 3-2 nitong Sabado para masikwat ang Olympic berth sa men’s volleyball qualification tournament.
Hataw si Antonin Rouzier sa naiskor na 17 puntos para pangunahan ang France sa 25-21, 23-25, 25-11, 20-25, 15-9 panalo sa Tokyo Metropolitan Gymnasium.
Nakasikwat din ng slot ang Iran para sa Rio Games na nakatakda sa Agosto 5-21 nang gapiin ang Poland, 3-1. Pasok na rin ang Poland sa quadrennial Games.
Ang mangungunang tatlong koponan sa torneo, gayundin ang highest-ranked Asian team ay makakausad sa Olympics. Dahil nakasama ang Iran sa top three, ang koponan na pupuwesto sa ikaapat ay mabibigyan din ng Olympic slot.
Naungusan ng Australia ang China 3-1 para patatagin ang kampanya, gayundin ang Canada na nagwagi sa Japan 3-1.