CABANATUAN CITY – Inihayag ni Department of Labor and Employment (DoLE)-Region 3 Director Anna Dione na nasa 11,300 lokal at overseas job ang iaalok sa serye ng 2016 Independence Day Job Fairs sa Central Luzon.
Ayon kay Dione, 5,955 trabahong lokal ang iaalok ng 142 kumpanya, bukod pa sa 30 government plantilla position.
Samantala, may 5,388 trabaho sa ibayong-dagat mula sa 28 international agency na iprinoseso ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Ang pre-Independence Day Job Fair ay sa Hunyo 10 sa kapitolyo sa Cabanatuan City, habang sa Hunyo 12 ay may sabayang employment fests sa Malolos Sports Complex and Convention Center sa Bulacan, sa Liwasang Bayan ng San Felipe sa Zambales at sa munisipyo ng Baler sa Aurora.
May post-Independence Day Job Fair din sa Hunyo 13, sa Rizal Triangle sa Olongapo City; at sa munisipyo ng Concepcion sa Tarlac sa Hunyo 30. - Light A. Nolasco