ANG World Environment Day (WED) ay itinakda ng United Nations (UN) General Assembly noong 1972 sa pagsisimula ng Stockholm Conference on the Human Environment. Sa araw din na iyon, pinagtibay ng General Assembly ang isa pang resolusyon para lumikha ng United Nations Environment Programme (UNEP) na naging pangunahing pandaigdigang environmental authority na nagtakda ng mga panuntunang pangkalikasan sa mundo.
Iba-ibang lungsod ang nagiging punong abala sa WED bawat taon, at ginugunita ito sa pamamagitan ng isang international exposition sa buong linggo ng Hunyo 5. Ngayong taon, pangangasiwaan ito ng Angola at may temang “Go Wild for Life.” Layunin ng tema na maresolba ang mabilis na pagdausdos ng lupa at ang epekto nito sa biodiversity na dulot ng lumalalang ilegal na bentahan ng wildlife products, na tumatangay sa likas na pamana sa planeta, at nagreresulta para maglaho ang ilang species. Hangad din nitong masumpungan ang mga potensiyal at pangmatagalang solusyon sa mga suliraning dulot ng pagpaslang at pagpupuslit ng mga hayop na nakapananamlay sa ekonomiya at ecosystems, nagpapaigting sa organisadong krimen, at nagpapasigla sa kurapsiyon at kawalan ng seguridad sa mundo.
Karaniwan nang ipinagdiriwang ang WED sa pamamagitan ng arts at crafts exhibitions, film festivals, competitions, demonstration activities, drama at poetry, flash mobs, online at social media activities, at sports activities.
Nag-aalok ang UNEP at ang mga katuwang nito ng limang mabilisang hakbangin upang gawing matagumpay ang araw na ito:
a) bumuo ng grupo sa paghimok sa mga kaanak, kaibigan, katrabaho, kapwa miyembro ng komunidad, mga grupong pangkalikasan, at mga lokal na pamahalaan na mag-organisa ng event katuwang ka at talakayin ninyo ang mga detalye ng okasyon at ang mga paksang sasaklawin nito; b) alamin kung ano pa ang mga idaraos para sa WED sa antas na pandaigdigan, pambansa, pang-rehiyon, at lokal sa paghahanap ng mga website at pakikibahagi sa Twitter sa hashtag na #worldenvironmentday, at pagbabasa ng mga anunsiyo at pahayagan; c) suportahan ang tema sa pagtukoy sa mga nakatutuwa at interesanteng paraan upang iugnay ang inorganisang aktibidad sa opisyal na tema ngayong taon, at lumikha ng malinaw na mensahe na aakit ng atensiyon at magbibigay ng inspirasyon sa iba upang makibahagi; d) bumuo ng plano ng pagkilos na may timetable sa pagkumpleto sa ma ito hanggang sa Hunyo 5; paghahanap ng mga makakatuwan at mga sponsor upang makatulong sa pag-oorganisa at pagkakaloob ng materials; pag-download ng mga logo para sa mga poster o T-shirt mula sa WED website, gayundin ang buong toolkit ng payo sa pagpaplano; at e) makiisa sa pagdiriwang ng mundo sa paglulunsad ng sariling mga aktibidad na makahihikayat sa iba upang makilahok at mahimok silang magrehistro sa website; at hilingin sa mga leader, mga kilalang personalidad, at mga opisyal na magpasimula ng masiglang pagtutok sa mga pagsisikap para maprotektahan ang kalikasan.
Sa ating pagdiriwang ng WED 2016, hinihikayat tayong isaisip ang lahat ng nilalang na nanganganib na maglaho at kumilos upang maprotektahan ang mga ito para sa susunod na henerasyon. Ang mga hakbanging ito ay maaaring tungkol sa mga hayop o mga halaman na delikadong maglaho at nasa paligid lang ng ating komunidad, gayundin sa antas na pambansa o kahit pa pandaigdigan, dahil ang mga paglalahong ito ay may potensiyal na makapagpalala sa pandaigdigang pagkalipol. Nawa’y tayo, mga tagapangalaga ng Mundo, ay magkaisa sa pagbibigay ng proteksiyon sa ating “nag-iisang tahanan”.