Serena Williams

Serena Williams (AP)

PARIS (AP) — Kumpiyansa si Patrick Mouratoglu, coach ni Serena Williams, na maiuuwi ng world No.1 ang ika-22 Grand Slam title.

Walang dapat ipagamba, higit at ang makakaharap ng kanyang alaga ay isang player na wala pang napatutunayan sa major championship.

“I don’t know why everybody’s so impressed with Garbine,” pahayag ni Mouratoglou. “Did she win a Slam ever?”

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

May halong panunuya ang binitiwang pahayag ni Mouratoglou.

Makalipas ang 24 oras, nakamit ni Garbine Muguruza ang huling halakhak.

Napigilan ng No.4 seed mula sa Spain ang pagtatangka ni Williams na mapantayan ang record sa women’s singles major sa impresibong 7-5, 6-4 panalo sa French Open sa Roland Garros nitong Sabado.

“She has a bright future, obviously,” pahayag ni Williams, sa edad na 34 ay 12 taong mas matanda sa kanyang karibal.

“She knows how to play on the big stage and ... clearly, she knows how to win Grand Slams,” aniya.

Sinandigan ni Muguruza ang kampanya sa matikas na ground strokes para mailagay sa masamang posisyon ang kampeon at napaalpas ang kabang nadarama na halata sa natamong siyam na double-faults.

Ngunit, kahanga-hanga ang kanyang galaw para maibalik ang bola sa bawat service play ni Williams.

“I can’t explain with words what this day means to me,” pahayag ni Muguruza, kauna-unahang Spanish netter na nagwagi sa French Open sa nakalipas na dekada.

Matamis na paghihiganti ang kanyang tagumpay matapos matalo kay Williams sa Wimbledon finals sa nakalipas na taon.

Ngunit, sa Roland Garros, naitatak na niya ang kasaysayan nang biguin si Williams sa second round noong 2014.

Target ni Williams na pantayan ang 22 major singles na marka ni Steffi Graf. Tangan ni Margaret Court ang all-time record na 24.