Tuloy ang rescue operation ng Philippine National Police (PNP) para iligtas ang hepe ng Governor Generoso Municipal Police na si Chief Insp. Arnold Ungachin, kahit pa ayaw ni President-elect Rodrigo Duterte.
Sinabi ni PNP Chief Director Gen. Ricardo Marquez na inirerespeto ng PNP ang pagbawi ni Duterte sa ipinangakong ito mismo ang makikipag-usap sa New People’s Army (NPA) para mapalaya si Ungachin.
Napaulat na nagbago ng pahayag si Duterte matapos niyang malaman na sangkot umano sa ilegal na gawain si Ungachin.
Ayon kay Marquez, responsibilidad naman talaga ng pulisya na isalba ang sinumang bihag, lalo na at kasamahan nila ito sa trabaho.
Matatandaang sinalakay ng mga hinihinalang kasapi ng NPA ang himpilan ng Governor Generoso Police at matapos ang engkuwentro ay binihag ng mga rebelde si Ungachin. (Fer Taboy)