LEGAZPI CITY – Ang Albay ang may pinakamababang poverty rate na 25.1 porsiyento sa unang anim na buwan ng 2015 sa lahat ng pitong lalawigan sa Bicol, iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ang PSA poverty incidence report ay hango sa Family Income and Expenditure Survey na isinagawa noong Hulyo 2015.
Batay sa report, mula sa 32.35% ay nasa 25.1% na lang ang poverty rate sa Albay; ang dating 29.5% ay tumaas sa 36.5%; Camarines Sur, 38.7% bumaba sa 29.2%; Catanduanes, 31.2% tumaas sa 39.7%; Masbate, 47.8% bumaba sa 31.6%; at Sorsogon, mula 30.6% ay tumaas sa 35.7%.
Ayon kay Albay Gov. Joey Salceda, sa nakalipas na siyam bilang gobernador ay pinasigla niya ang turismo at nagpatupad ng iba pang mga programa para matugunan ang mga pangangailangan ng mga Albayano sa kalusugan, edukasyon, at iba pang serbisyo.
“Sa Albay, hindi namin sinusukat ang kaunlaran sa pamamagitan ng nagtataasang gusali at malawak na metropolis,” anang gobernador.
Naniniwala siyang patuloy na lalago ang turismo ng lalawigan at matatamo nila ang target na limang milyong turista, US$1 billion investments, at paglikha ng 235,000 trabaho sa loob ng 10 taon kapag operational na ang Bicol International Airport sa Daraga sa Agosto 2018.
Sa Hunyo 30 ay bababa sa puwesto si Salceda at mauupong kinatawan sa Kamara ng ikalawang distrito ng Albay.